Nagpanggap na reporter para makahingi ng pera, arestado!

Nagpanggap na reporter para makahingi ng pera, arestado!

July 16, 2022 @ 11:48 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Arestado ang 57-anyos na lalaki na nagpakilalang miyembro ng media matapos manghingi ng pera sa isang barangay official kapalit umano ng magandang write up sa mga aktibidad ng kanilang barangay sa Valenzuela City.

Nahaharap sa kasong Estafa at paglabag sa BP.6 (Illegal Possession of Deadly Weapon) ang suspek na kinilala bilang si Edwin Reyes Sarmiento, ng No. 34 Kalayaan B St., Batasan Hills, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PMSg Regor G Germedia, dakong alas-2:45 ng hapon nang magtungo ang suspek sa Malanday 3S sa M.H Del Pilar St., Brgy. Malanday saka nagpakilalang na miyembro ng media at kaanib umano ng BULGAR Tabloid Newspaper.

Dito, nanghingi umano ang suspek ng P3,000 kay Marco Antonio Dalag, 41, kagawad ng Brgy. Malanday kapalit ng magandang write up para sa mga aktibidad ng kanilang barangay.

Matapos makumbinse, nagbigay umano ng paunang P1,000 ang complainant subalit, nang kanilang alamin kung totoong miyembro ang suspek ng pahayagang BULGAR ay natuklasan nila kalaunan na hindi ito legitimate miyembro ng nasabing pahayagan.

Humingi si Kagawad Dalag ng tulong kay PSMS Roberto Santillan ng Valenzuela Police Sub-Station 6 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at narekober sa kanya ang P1,000 bill, isang patalim (balisong), BULGAR Tabloid Newspaper, Brochures at assorted ID’S. R.A Marquez