Nagpaparehistro sa Register Anywhere Project dumarami na – Comelec

Nagpaparehistro sa Register Anywhere Project dumarami na – Comelec

January 16, 2023 @ 3:23 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Patuloy na tumataas ang bilang ng mga aplikasyon na natatanggap sa Register Anywhere Project (RAP) hubs, iniulat ng Commission on Elections nitong Lunes, Enero 16.

Batay sa pinakahuling datos ng poll body, may kabuuang 2,043 na aplikasyon para sa voter registration ang isinumite mula Enero 14 hanggang 15.

Ang may pinakamataas na bilang ng aplikasyon ay natanggap sa SM Fairview sa Quezon City na may 614.

Sinundan ito ng Robinsons Manila na may 386; SM Sucat, Parañaque City na may 284; at Robinsons Galleria sa Quezon City na may 267.

Ang mga RAP booths naman na nakitaan ng pagtaas ay ang SM Mall of Asia, Pasay City na may 254; Robinsons Tacloban, Leyte na may 119; SM City Legazpi, Albay na may 60; at Robinsons Naga, Camarines Sur na may 59.

Ang naitalang bilang ng mga aplikasyon sa unang dalawang linggo ng pagpaparehistro ay 1,129 na aplikasyon mula Enero 7 hanggang 8; at 611 na aplikante mula Disyembre 17 hanggang 18, 2022.

Ang huling weekend para sa pagpaparehistro sa ilalim ng RAP sa walong piling malls ay mula Enero 21 hanggang 22, 2023, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Samantala, ang RAP sites ay magbubukas sa Government Service Insurance System Main Office sa Pasay City mula Enero 16 hanggang 20, 2023, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Ang Senado sa Pasay City at ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa Quezon City, ay magkakaroon ng mga RAP booth sa Enero 25 hanggang 26, ayon sa pagkakasunod, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Sa ilalim ng proyekto, sinumang kwalipikadong aplikante na naninirahan saanman sa Pilipinas ay maaaring magparehistro sa RAP sites sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang application form, documentary requirements at pagkuha ng kanilang biometrics on-site. Jocelyn Tabangcura-Domenden