Nagpaparehistrong botante, kapos pa sa target – Comelec

Nagpaparehistrong botante, kapos pa sa target – Comelec

January 10, 2023 @ 2:34 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi pa naaabot ng Commission on Elections (Comelec) ang inaasahang 1.5 hanggang 2 milyong bagong botante para sa 2023 barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hanggang kahapon ay halos 400,000 lamang ang nagpaparehistro.

Aniya, inaasahan na mula Disyembre 12 hanggang katapusan ng Enero ay makapagrerehistro ng 1.5 hanggang 2 milyong botante ngunit kaunti pa lamang ang nagpaparehistro.

Iniugnay ito ni Garcia na “mañana habit” ng mga Pilipino.

Umapela naman si Garcia sa publiko na bumisita sa local Comelec offices, satellite registration sites sa malls kung saan patuloy ang pagpaparehistro at gamitin ang Register Anywhere Project na isinasagawa tuwing weekend sa piling malls.

Nanindigan naman ang Comelec na  hindi pa isinaalang-alang ang pagpapalawig ng voter registration na tatakbo hanggang sa katapusan ng Enero.

Samantala, lumagda ng memorandum of understanding si Garcia kasama si Government Service Insurance System General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso para sa paglulunsad ng Register Anywhere Project (RAP) at GSIS Complex.

Sinabi ng Comelec na palalawakin ang RAP sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas pero depende sa resulta ng pilot implementation.

Ang voter registration para sa BSKE ay nagtsimula noong Disyembre 12,2022 at matatapos sa Enero 31,2023.

Ang register Anywhere Project naman ay tatakbo mula Disyembre 17,2022 hanggang Enero 25,2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden