Nagpatay-patayan nauwi sa hulihan: 4 kelot gustong maging ‘greatest prankster’ binitbit

Nagpatay-patayan nauwi sa hulihan: 4 kelot gustong maging ‘greatest prankster’ binitbit

September 8, 2020 @ 7:55 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Napa-‘prank gone wrong’ na lang ang apat na magbabarkadang naaresto ng kapulisan dahil sa kagustuhan nitong maging ‘greatest prankster’.

Ang eksena, mala-true to life na wari’y biktima ng summary execution na nasa loob ng isang sako at iniwan sa isang kalsada, habang ang iba naman ang nakatago para kumuha ng video sa mga daraang tutulong o makikiusyoso.

 

Pero imbes na makakuha ng magandang shot para sa kanilang vlog na balak iupload sa social media ay lente ng kamera sa mugshot ang sumalubong sa kanila matapos dakpin ng mga pulis.

Naalarma kasi ang ilang mga residente kaya tumawag ng pulis at dito na binitbit ang apat na magkakaibigan.

Kinilala ang mga dinakip na sina Mark Francis Habagat, 20, ng Villa Baretto Subdivision, Brgy. Canumay West; Mark Aldrin Arce, 20, ng Camilla St. De Castro Subdivision, Brgy. Paso De Blas; Chris Bayron, 20, ng Dela Rosa St. Home Centrum Subdivision, Brgy. Mapulang Lupa; at Wynzel Tan, 19, ng St. Joseph St. Brgy. Bagbaguin.

 

Sa tinanggap na report ni Valenzuela Police Chief Col. Fernando Ortega, nagpaparulya sina PCpl Rosario Cruz at PCpl Ian Baggay ng Sub-Station 1 sa West Service Road, Brgy. Paso De Blas nang isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at ipinaalam ang hinggil sa isang hindi kilalang tao na isinilid sa sako bago iniwan sa gilid ng kalsada.

 

 

Nang respondehan ng mga pulis, nadiskubre nila ang nasa loob ng naturang sako ay si Habagat habang ang tatlong kasama nito na kumukuha ng video sa sako ay naaktuhang nagtatago malapit sa lugar.

Ayon sa pulisya, ang insidente ay magbibigay ng alarma sa publiko kaya dinala nila ang apat sa himpilan ng pulisya saka kinasuhan ng Article 155 of the Revised Penal Code, at inisyuhan din sila ng Ordinance Violation Receipt sa paglabag sa city ordinance no. 673 (social distancing), at mandatory use of quarantine pass. R.A Marquez


  •  
  •  
  •  

Loading...