Manila, Philippines – Inatasan na ng Philippines National Police (PNP) ang kanilang intelligence operatives na tukuyin at tugisin kung sino o sino-sino ang mga nasa likod ng kontrobersiyal na banner na isinabit sa mga pedestrian overpass na may nakalagay na, “Welcome to the Philippines, Province of China”.
Ayon kay PNP spokesperson Senior Supt. Benigno Durana, Jr. iniimbestigahan na rin nila ang motibo sa likod nito.
“Naglunsad ng isang investigation and intelligence ang PNP para tingnan kung sino ba ang indibidwal o grupo na may pakana ng gimmick na ito,” pahayag ni Durana.
“Sino ba sila, ano ang kanilang alliance whether political, their alliances tinitingnan po natin yan, ano ba motive nila, what are they trying to achieve.”
Tinitingnan na ngayon ng kapulisan ang lahat ng posibleng motibo.
“Now we have people, going around overt and covert intelligence effort para po makita natin kung ano talaga ang motivation vis-a-vis ito ba ay ginagawa nila in relation to the upcoming SONA or in relation to upcoming election or in relation to our geopolitical interest, South China Sea. So tinitingnan po natin. We are holding our judgment,” dagdag pa ni Durana.
Pero aniya, sa kanilang inisyal na pag-aanalisa, tila ginawa ito para ipahiya ang gobyerno.
Kung sakaling matukoy kung sino-sino ang mga naglagay ng mga tarpaulin ay siguradong mananagot sa local ordinance prohibiting littering.
Hindi naman natukoy kung may criminal charge bang isasampa laban dito.
Sa ngayon ay nire-review na nila ang lahat ng CCTV footage at naghahanap na sila ng mga posibleng witness na makapagtuturo sa salarin. (Remate News Team)