NAGSARANG DAAN-DAANG ISKUL, SAYANG NA SAYANG

NAGSARANG DAAN-DAANG ISKUL, SAYANG NA SAYANG

August 22, 2022 @ 11:14 AM 1 month ago


AYON sa Department of Education, may 427 eskwelang pribado na sakop nito ang nagsara sa nakalipas na dalawang taon o mula 2020 hanggang 2022.

Sayang na sayang din ang pinuhunan ng mga ito sa pagtulong sa bayan na makapagpatapos ng milyon-milyong mamamayan na dala ang mataas na kalidad ng edukasyon.

Hindi pa kasama rito ang mga kolehiyo na sakop ng Commission o Higher Education na nagsara na rin bagama’t marami sa mga ito ang kapag nagsara, halos tangay ang lahat ng antas ng pag-aaral mula kolehiyo hanggang kinder.

Ayon sa DepEd, may halos 21,000 umano ang naapektuhan ng pagsasara at mahigit 10,000 rito ang nakapalipat sa ibang mga eskwela, partikular sa mga pampublikong eskwela.

HINDI MAKAYANAN ANG GASTUSIN

Kitang-kita naman ang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa sa nakalipas na dalawang taon dahil sa pandemya na dala ng coronavirus disease-19.

At sa pagbagsak ng ekonomiya o hanapbuhay, kasamang bumagsak ang kabuhayan ng mga kahit papaano’y may kakayahang magpaaral ng mga anak sa mga pribadong eskwela.

Suki ng mga pribadong eskwela ang mga anak ng maraming oversease Filipino worker, propesyunal at may kayang Pinoy.

Marami sa mga mag-aaral na ito ang nawalan o labis na nabawasan ng suporta mula sa kanilang mga magulang na nawalan o labis na nabawasan ng pagkakitaan dahil sa COVID-19.

Kaya, lumiit ang bilang ng mga nag-eenrol sa mga pribadong eskwela at marami ang lumipat sa mga pampublikong iskul na ngayo’y ganap nang libre sa tuition.

Nawawalan o labis nang kulang ang pampasweldo ang mga eskwela sa mga titser at empleyado, pambayad sa kuryente, tubig at iba pa.

At marami na rin ang mga iskul na ito ang nagkukulang ng mga titser dahil nagsisilipatan na ang mga ito sa mga pampublikong eskwela.

ANO KAYA ANG MAITUTULONG?

Ang alam natin, marami naman ang nagpapatulong sa pamahalaan o sa mga alumni na indibidwal o asosasyon para sila makabangon.

Partikular sa pamahalalan, ano-ano nga ba ang pupwedeng maitulong ng pamahalaan sa mga biktima ng kalamidad na eskwela?

Dito natin naalaala ang malaking problema ng DepEd sa kakulangan sa silid-aralan lalo’t paiiralin pa rin ang social distancing sa mga mag-aaral.

Ang isang tanong natin: “Hindi ba pupwedeng gamitin ng DepEd ang mga silid-aralan ng mga nagsarang iskul?

Hindi ba pupwedeng upahan o bilhin na lang ng gobyerno ang mga ito para masolusyunan ang kakulangan ng silid-aralan, kasama ang mga silya, lamesa at iba pang mga pasilidad, halimbawa, ang mga laboratoryo?

Ipagpalagay na nating kumpleto sa kagamitan ang mga eskwelang ito, hindi na mahihirapan pa ang pamahalaan sa pagpundar ng mga gamit sa iskul.

Kaya lang, dapat na bantayan ang pag-upa at pagbili dahil baka papasukin ang mga ito ng mga korap na wala nang ginawa kundi magpayaman sa pamahalaan kahit ikasisira pa ng buong bayan.