NAGSIMULA SA SIBUYAS NATAPOS DIN SA SIBUYAS

NAGSIMULA SA SIBUYAS NATAPOS DIN SA SIBUYAS

February 2, 2023 @ 1:34 PM 2 months ago


ILANG buwan na nating pinag-uusapan ang isyu nang pagtaas ng presyo ng sibuyas, hanggang sa tayo, sa ngayon, ay nagsisimula nang bahain ng mismong mga sibuyas.

Ano ba ang talagang pinagmulan nito? Sa pag-iimbistiga ng marami, ito raw ay kakulangan sa diskarte ng mga taga-Department of Agriculture, na siyang kaagapay dapat ng mga lokal na nagtatanim ng sibuyas.

Sabi ng departamento, noong buwan ng Agosto, 2022, sapat ang dami ng sibuyas sa pangangailangan ng mapanglasang Pinoy. Wala itong pinahintulutang mag-angkat ng sibuyas mula pa ng Abril, 2022 hanggang noong Disyembre.

Pero nang mag-Setyembre, nagsimulang tumaas ang presyo ng sibuyas sa ‘di rin maipaliwanag na dahilan ng DA. Pumalo pa nga sa P700 bawat kilo noong Disyembre sa panahon pa naman nang pagluluto dahil sa Kapaskuhan.

Biruin n’yo, mula sa P240 hanggang P350 bawat kilo ng pulang sibuyas halos dumoble ang presyo nito. At eto pa, sabi rin ng DA, ang sibuyas ay tumatagal ng anim hanggang walong buwan para maibenta.

So paanong nagkaroon ng kakulangan? Ganoong may tinatayang aanihin pa ang ating magsisibuyas nang mga panahong iyon. At kung magkulang man, napakarami pang naka-imbak sa mga bodegang nagkalat sa tabi ng mg taniman ng sibuyas sa bansa.

Sa ulat din ng DA, ang mga sibuyas sa mga bodegang ito ay nangawala, kaya sumirit ang presyo ng gulay na ito. Paanong nangayari?

May gumawa ba ng pangsamantalang kakulangan ng sibuyas para kumita? Malamang sa alamang! Ito ay totoo, para tumatak sa ating mga pag-iisip na ito ay kakulangan din sa diskarte ng ating bagong Pangulo.

Ngunit, sa kabila ng isyung ito, pinayagan ng Pangulo na mag-angkat na lamang muna tayo para tugunan ang pangangailangan sa sibuyas.

Pagdating ng mga inangkat na ito, siguradong babahain na tayo ng sibuyas, matapos naibenta na sa mataas na presyo ang mga nangawalang sibuyas na ating pinahahanap noong isang taon.

May misteryo nga siguro dito. Dahil kung noon, naluluha ka habang naghihiwa ng sibuyas, ngayon ay makita mo lamang ang sibuyas ay mapapaiyak ka na din.

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!