NAGTATAGO, NAG-O-OVERPICE, ISMAGLER NG ASUKAL, YARIIN

NAGTATAGO, NAG-O-OVERPICE, ISMAGLER NG ASUKAL, YARIIN

August 31, 2022 @ 2:39 PM 1 month ago


MARAMING asukal sa bansa at napatutunayan ito sa mga inspeksyon at raid sa mga taguan o warehouse o barko ng asukal sa utos nina Pangulong Bongbong Marcos at Executice Secretary Vic Rodriguez.

Para man sa mga malalaking gumagawa ng softdrinks, tinapay at gamot at sa maliliit, kasama na ang mga ordinaryong mamamayan.

Pero may mga gumagawa ng mga milagro para magmukhang salat na salat ang stock o suplay rito at maibebenta o mabibili nang napakamahal.

Kabilang sa mga milagrong ginagawa ang hoarding o pagtatago ng stock o suplay at tigkakaunti lang ang pinalalabas ng mga suplayer sa merkado upang mapilitang magmahal ang nasabing produkto.

Siyempre pa, may sapat man na suplay o kulang, ugali rin ng iba ang magbenta nang mahal o mag-overprice.

Pero ang pangunahing sinasabi na dahilan ng pagmamahal ng asukal ay kulang ang suplay.

At kung kulang nga naman, mag-aagawan ang mga mamimili at diyan na pinalolobo ang presyo ng mga malalaking trader na nagtutulak naman hanggang sa mga maliliit na tagabenta na pamahalin din ang paninda nila.

Resulta?

Magmamahal din ang panindang may asukal na binibili ng mga mamamayan.

At diyan na magkandaloko-loko ang lahat pero hindi sa panig ng mga malalaking negsyante na hoarder at nag-o-overprice o nagpapalobo ng presyo.

MATABANG NA LAHAT

Kung tutuusin, pawang katamtaman at masarap ang mga paninda na may halo o sangkap ng asukal.

Mula sa kape at tsaa hanggang sa mga tinapay, soft drinks, ulam, gamot at iba pa.

Tinitimpla ang tamis ng mga ito upang maging kaaya-aya, hindi pagmumulan ng sakit at mabili sa merkado bilang pagkakitaan.

Dahil nga sa napakamahal nang asukal na puti, washed at brown, tinitipid na rin ang paggamit sa mga ito.

Resulta, matabang na lahat, maliban lang sa mga gamot na kailangan ang may sukat na asukal na sangkap para manatili ang bisa nito.

Para naman sa iba, magbawas na lang sila ng kantidad o dami ng produkto.

Kapag nagbawas naman ang suplay ng produkto, magmamahal din ang mga ito. Ang iba, hindi na lang gagawa ng anomang produktong may asukal na maaaring ikahihinto ng negosyo.

Damay-damay na ang paghinto at pagkalugi ng negosyo.

At kung huminto at nalugi ang negosyo, maaaring kasunod nito ang iba pang mga problema gaya ng kawalan ng masisingil na  buwis ng pamahalaan at ng panggastos ng mga pamilya para sa araw-araw nilang mga pangangailangan.

PAANO ANG HOARDERS, NAG-O-OVERPRICE AT SMUGGLERS?

Nabanggit na natin kung paano nagiging pahirap sa mamamayan at maging sa pamahalaan ang mga hoarder at nag-o-overprice.

Ang mga smuggler ng asukal, dapat kasali sa usapan dahil pinapatay ng mga ito ang industriya ng asukal sa bansa sa pagpapasok ng mga dayuhang asukal.

Kapag naghingalo o nalugi o nagsara ang mga gawaan ng asukal sa bansa dahil sa gawa ng ismagler, silang mga ismagler din ang magdidikta ng presyo na ikasasama ng lahat na nabubuhay sa asukal.

Paano kaya hulihin, idemanda at parusahan ang mga ito sa kanilang malademonyong gawa?