NAGTIPID NG OBRERO SA TREN, 36 PATAY

NAGTIPID NG OBRERO SA TREN, 36 PATAY

March 3, 2023 @ 1:30 AM 3 weeks ago


ALAM na ng lahat ang naganap na banggaan ng tren sa Larissa City sa Greece.

Parehong high speed ang tren na pampasaherong galing sa Athens City habang galing naman ang cargo train sa Thessanoliki at nagbanggaan ang dalawa sa Larissa City.

Nadiskaril at nagliyab ang unang dalawang bagon ng pampasahero habang nadiskaril at nagkandasira-sira ang apat na bagon mula sa ikatlong bagon.

Resulta?

Mahigit sa 36 ang patay at 83 ang sugatan mula sa nasa 350 na pasahero.

Ganyang katindi ang disgrasyang iyo na pinalala ng 200 kilometro kada oras na takbo ng mga tren.

Maswerte ka, Brod, kung maliligtas ka sa disgrasya sa lakas ng banggaan na tumatakbo ng 200 kilometro kada oras ang mga tren at nagsalubong sila sa iisang riles.

Gabi pa nangyari iyon na marami ang tulog o nakapikit na pasahero.

At mga nagkandaputol-putol na bakal at yero at durog na mga salamin ang kailangan mong daanan para makalabas ka habang sumisiklab din ang apoy.

SIBAKAN, RESIGNASYON

Agad na sinibak ang master sa istasyon ng Larissa habang nagbitiw naman kaagad ang kalihim ng transportasyon na si Kostas Karamanlis.

Doble riles ang tren pero paano at bakit lumipat sa linya nang may linya ang isa sa mga ito na dahilan ng crash?

Wala ba itong sapat na mga notice o traffic sign?

Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang pangyayari.

MGA PROBLEMA

Sabi ng mga nakaaalam, dapat umanong may 2,000 na empleyado ang mga tren pero nasa 750 lang ang aktuwal na meron.

Kaya naman ang maintenance check-up marahil ay hindi nagagawa sa liit ng bilang ng mga obrero, engineer at iba pa.

Hindi rin kaya laging sobrang napupuyat at napapagod o nao-over work ang lahat ng empleyado o obrero dahil sa kakaunti nilang bilang para mapilitan silang magdoble o magtriple ng trabaho?

Sabi naman ng iba, mas luma pa sa bakya ni Neneng ang mg tren.

Kulang na kulang sa electronic system para mapaganda sana ang ayos ng takbo nito at ligtas na masakyan.

SA PINAS KAYA?

Minsan nang dumiretso ang MRT-3 train mula sa itaas pabulusok at lumusot ito sa dapat sana niyang kalalagyan, ang dulo ng riles sa Pasay-EDSA?.

Ngayon panay ang koneksyon ng mga tren, lalo na sa EDSA na may common station.

Paano kung isang araw, magbanggaan ang mga tren natin na galing sa Pasay, Quezon City at Novaliches o kaya’y lumundag ang mga bagon palabas ng mga dingding ng LRT 1, LRT 2 at MRT-3 at bumagsak sa mga tao at sasakyan sa ibaba?

Maaaring may mawalan ng preno o dire-diretso ang takbo dahil sa mga palpak na sistema para sa safety.

Sapat ba ang pagre-resign at pagsibak sa mga opisyal ng mga tren natin?