NAHATULAN NG KASONG KATIWALIAN,  NAWA’Y HUWAG PAMARISAN

NAHATULAN NG KASONG KATIWALIAN,  NAWA’Y HUWAG PAMARISAN

December 17, 2022 @ 1:28 PM 1 month ago


NAWA’Y magsilbing aral, hindi lamang sa mga alkalde at opisyal ng Department of Public Works and Highways, kundi maging sa iba pang ahensiya ng pamahalaan ang kinasadlakan ng isang alkalde at regional director ng DPWH na nahatulan ng Sandiganbayan sa kasong katiwalian.

Hindi naman talaga maikakaila na isa ang DPWH na mga ahensiya ng pamahalaan na madalas mabatikos dahil sa dami ng kanilang mga opisyal at kawani na nasasangkot sa katiwalian, bukod siyempre ang iba pang ahensiya, tulad ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue.

Kahit kasi isang tapat, matapang, uncorruptible at may paninindigang pulitikal ang maupong hepe sa mga ahensiyang nabanggit, hindi pa rin nawawala ang ilang mga tiwaling tagasunod na patuloy na nakakagawa ng kabulastugan para makapagkamal ng yaman.

Sa dami kasi ng kanilang nakukurakot, nagagawa nilang paikutin maging ang batas kaya kahit masampahan ng kaso ang karamihan, kalaunan ay napapawalang-sala rin dahil nagagawa nilang pagtakpan ang mga nagawang kabuktutan. Pero hindi naman lahat ay may ganitong kapangyarihan dahil mayroon din naman na hindi nakakaligtas sa batas lalo na kung napakalakas ang ebidensiyang nakukuha laban sa kanila ng tagausig.

Tulad nga nina dating Lapu-Lapu City Mayor Arturo Radaza, DPWH-7 regional director Robert Lala, dating DPWH Region 7 assistant regional director at siya ring Bids and Awards Committee chairperson Marlina Alvizo, dating DPWH- 7 officer-in-charge chief of the Maintenance Division Pureza Fernandez at dating BAC members Agustinito Hermoso, Luis Galang, Cresencio Bagolor, Julito Cuizon, Rogelio Veloso, Ayaon Manggis, Marilyn Ojeda, at Teresa Bernido na makulong ng 10-taon dahil sa ma-anomalyang pagbili ng mga ilaw na ginamit sa nagdaang 12th Association of Southeast Asian Nations  summit noong 2007.

Nakakita kasi ng sapat na ebidensiya ng Tanggapan ng Ombudsman na kasuhan sila nang paboran ang isang kompanya para mag-supply ng dekorasyong ilaw sa poste sa halagang P83.937 milyon na overprices ng mula P13 milyon hanggang P18 milyon.

Kung tutuusin, lumang estilo na ang ganitong mga gawain ng maraming tiwaling opisyal na nakikipag-sabuwatan sa pribadong kompanya na mag-supply ng gamit sa mataas na halaga pero dahil sa kinang ng salapi, patuloy pa rin itong ginagawa ng mga tiwaling opisyal.

Isa siguro sa nagpapalakas ng loob sa mga tiwaling opisyal na harapin kung ano mang kaso ang isasampa laban sa kanila ay ang nagdudumilat na katotohanan hinggil sa kabagalan nang paggulong ng hustisya sa ating bansa.

Kahit nga naman gastusin sa paglaban sa kasong isasampa sa kanila ang kanilang nakurakot, hindi ito mauubos at malaking bahagi pa rin ang matitira hanggang matapos ang usapin.

Ganyan ang nangyayari sa kasong isinasampa sa ilang opisyal ng pamahalaan hanggang sa mabaon na sa limot ang inabot na kahihiyan ng kanilang pamilya. Dito nga lang sa 12 nahatulan, umabot ng 14 na taon bago naibaba ng Sandiganbayan ang hatol pero huwag tayong umasa na makukulong kaagad sila dahil tiyak na maghahabol pa ang sila sa Korte Suprema kaya hindi natin alam kung kailan matatapos ang usapin at kung ibabasura o pagtitibayin ito ng mga mahistrado.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.