NAIA ‘di napinsala ng lindol; ligtas para sa operasyon

NAIA ‘di napinsala ng lindol; ligtas para sa operasyon

July 28, 2022 @ 7:26 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinawi ni Manila International Airport Authority (MIAA) Public Affairs Office Chief Connie Bungag ang pangamba na may pinsala sa pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport dahil sa lindol na tumama sa Luzon.

Ayon kay Bungag, kumpirmadong walang naitalang pinsala sa mga pasilidad ng NAIA matapos ang magnitude 7 na lindol na tumama sa lalawigan ng Abra, at naramdaman din sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon.

Tiniyak ni Bungag na agad nagsagawa ng inspeksyon ang (MIAA) Emergency Response and Safety teams sa mga pasilidad ng paliparan kung saan walang nakitang pinsala sa mga terminal at pasilidad nito.

Idineklarang ligtas para sa flight operations ang dalawang runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at walang nakitang pinsala sa mga poste, kisame, dingding at iba pang bahagi ng istraktura na ginamitan ng semento.

Dahil sa lindol, bahagyang naapektuhan ang mga transaksyon sa International Cargo Terminal ng NAIA sa pagrehistro ng red alarm dahilan para magsilikas ang mga tao sa loob ng mga opisina.

Gayunman, tinitiyak din ng MIAA Management sa publiko na ang mga emergency team nito ay laging handang tumugon sa anumang pangyayari na ginagabayan ng maayos nitong mga pamamaraan ng Airport Emergency Plan (AEP). Dave Baluyot