NAIA ikatlong ‘most stressful airport’ sa Asia, Oceania – pag-aaral

NAIA ikatlong ‘most stressful airport’ sa Asia, Oceania – pag-aaral

November 28, 2022 @ 10:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Pumangatlo ang Ninoy Aquino International Airport bilang “most stressful airport” sa Asia at Oceania, ayon sa bagong datos.

Sinuri ng travel blog na Hawaiian Islands ang mahigit 1,500 Google reviews para sa mahigit 500 airports sa buong mundo at binusisi ang saloobin ng reviewers gamit ang stress analysis tool. Sinala nila ang mga airport sa top 10 kada bansa batay sa bilang ng reviews.

Nanguna ang Manchester Airport sa UK na may pinakamaraming bilang ng mga pasahero na nakaranas ng stress. Sinundan ito ng iba pang mga bansa na karamihan ay mula sa Europa gaya ng Greece, Germany, at France.

Samantala, mas mababa naman ang puntos ng NAIA sa Pilipinas na nakakuha ng 57.81%, subalit mataas pa rin upang matukoy na ikatlong most stressful airport sa mga rehiyon sa Asia at Oceania.

Sinundan lamang nito ang Tan Son Nhat International Airport ng Vietnam sa 60.1% ng reviews at Sydney Kingsford Smith International Airport ng Australia na 59%.

Base sa travel blog, ang matagal na delay ang posibleng rason kung bakit nanguna ang Sydney bilang most stressful airport sa Oceania, batay sa FlightAware ng CNN Travel kung saan napag-alaman na 34.2% ng flights na naka-schedule sa pagitan ng May 26 at July 19 sa taong ito ang na-delay.

Tinapos ng Hawaiian Islands ang ulat nito sa pagbibigay-diin na “adding higher fares, longer lines, and more delays to an already stressful environment can lead to unhealthy levels of stress and—in some cases—violent outbursts.”

“Refusal to comply with safety instructions is a growing concern for the entire travel community and makes airport stress an important public health issue,” anito pa.

Nauna nang pinangalanan ang NAIA bilang worst airport sa buong mundo sa business class, ayon sa California-based luggage storage app Bounce. Subalit, depensa ng Department of Transportation, ang “unfavorable rating” ay “unsubstantiated.” RNT/SA