NAIA technical glitch, banta sa pambansang seguridad – JV

NAIA technical glitch, banta sa pambansang seguridad – JV

January 3, 2023 @ 3:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nais paimbestigahan ni Senador JV Ejercito ang posibleng banta sa pambansang seguridad sa nangyaring technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na lubhang naapektuhan ang mahigit 56,000 pasahero sa international at local flights.

Sinabi ni Ejercito na lubhang nakababahala ang pangyayari dahil hindi lamang ekonomiya ang apektado dito, paghihirap ng pasahero kabilang ang kaligtasan ng pasahero sa commercial flights.

“More importantly, ako, ‘yung national security. It’s a matter of national security. Kumbaga for several hours blind tayo. Hindi natin alam kung may pumapasok na mga eroplano sa atin o hindi. So ito ay hindi dapat nangyayari,” aniya.

Nitong Bagong Taon, umabot sa 282 flights ang kinansela, inilihis o naantala Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) matapos magkaroon ng technical issue sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC).

Bukod kay Ejercito, hiniling din nina Senador Grace Poe, Nancy Binay at Win Gatchalian ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng power outage sa buong sistema ng NAIA.

Bukod sa banta sa pambansang seguridad, ikinokonsidera din ni Ejercito ang posibilidadm ng pananabotahe ang sanhi ng technical glitch.

“Sabi ko nung una baka sabotahe ito… dahil dapat ito may backup na system , ‘yung traffic management system dapat nga may backup kasi safety nga ang concern nito. Ano ang nangyari? Marami ang kinakailangang ipaliwanag ang CAAP officials dito,” aniya.

Bilang isponsor ng badyet ng Department of Transportation (DOTr) sa ilang nakaraaang Kongeso, sinabi ni Ejercito na nabigyan ng sapat na pondo ang ahensiya upang mapaunlad ang sistema ng lahat ng paliparan sa buong bansa.

“Yun ang pinagtataka ko bakit itong mismong air traffic management system ay napabayaan. Tingin ko may negligence nang kaunti kaya talagang dapat may managot,” aniya.

Aniya, ibibigay ng Kongreso ang anumang pangangailangan ng DOTr dahil hindi makabubuti sa bansa na magkaroon ng ganitong disaster.

Sinabi pa ni Ejercito na hindi napanahon ang privatization ng NAIA dahil kasalukuyang ipinatatayo at pinauunlad ang ibang paliparan sa ibang bahagi ng bansa.

“Sa tingin ko hindi napapanahon ngayon dahil anyway nandyan na ‘yung Clark International Airport…Nasa 10 million passengers annually. Puwede na mag-serve as secondary airport sa NAIA ‘yan,” aniya. Ernie Reyes