NAIA Terminal 2, target gawing all domestic terminal

NAIA Terminal 2, target gawing all domestic terminal

March 17, 2023 @ 8:05 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Tinitingnan ng Manila International Airport Authority ang posibilidad na gawing eksklusibo para sa mga domestic flights ang NAIA Terminal 2.

Ito ay upang mabalanse ang kapasidad ng bawat terminal at mabawasan ang insidente ng offloading.

Sa ulat, naghahanda na ang MIAA sa terminal reassignments pagkatapos ng Semana Santa, kung saan inaasahan na mahigit 100,000 pasahero ang pupunta sa paliparan.

“The ultimate goal is to turn NAIA Terminal 2 into an all-domestic terminal,” sinabi ni MIAA senior assistant general manager Bryan Co.

Ang mga immigration officer na nakatalaga ngayon sa NAIA-2 ay ililipat na sa Terminal 1 at 3 na gagamitin naman para sa mga international flight.

Ani Co, tugon ito sa isyu ng offloading sa mga pasahero dahil marami ang naiiwan ng kanilang flight dahil sa mahabang pila sa immigration areas.

Sa ikatlong bahagi ng taon, plano rin ng MIAA na magbukas ng special lane para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na makakapasa sa final screening ng immigration.

Maaari ring dumaan dito ang mga senior citizen at persons with disabilities. RNT/JGC