Naiparehistrong SIM, 28 milyon na! – DICT

Naiparehistrong SIM, 28 milyon na! – DICT

February 5, 2023 @ 4:02 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 28 milyon ang naiparehistrong Subscriber Identity Module (SIM) cards hanggang nitong Linggo, Pebrero 5 ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy.

“So far, as of today, may 28 million nang nakarehistro,” sinabi ni Uy sa panayam ng DZBB.

Ani Uy, mayroong 150 milyon SIM cards ang inilabas ng mga telecommunications companies.

Sa kabila nito, mayroon umanong mga bumibili ng prepaid SIM cards na isang beses lamang ito ginagamit at itinatapon na, katulad ng mga scammer.

“Hindi natin currently alam kung ilan sa 150 million [SIM cards] ang ganu’ng klase. More or less 120 million SIM cards ang matitira na kailangang marehistro,” dagdag niya.

Matatandaan na sinimulan ang SIM registration noong Disyembre 27 matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre ang SIM Card Registration Act

Sa ilalim ng batas ay binibigyang mandato ang lahat ng public telecommunications entities (PTEs) na gumawa ng kani-kanilang platform kung saan maaaring magparehistro ang mga subscribers sa pamamagitan ng pagpapakita ng valid identification cards.

Mayroon naman na 180 araw para magparehistro upang hindi ma-deactivate ang kani-kanilang SIM card. RNT/JGC