Naitalang dinukot, nasa 27 lang ngayong taon-PNP

Naitalang dinukot, nasa 27 lang ngayong taon-PNP

September 8, 2022 @ 3:18 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinasura ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ng isang business group na nagsasabing mayroong 56 na insidente ng kidnapping sa bansa sa nakalipas na 10 araw.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, sa isang press briefing sa Camp Crame, na nakapagtala lamang sila ng 27 kaso ng kidnapping sa bansa mula noong Enero, na wala pa sa kalahati ng figure na isiniwalat ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry ( PCCCI).

“For this year, nakapagtala sila (AKG officials) ng 27 at marami sa mga kasong ito ay POGO (Philippine Offshore Gaming Operations)-related,” ani Fajardo.

Idinagdag niya na ang PCCCI ay walang ipinakitang anomang patunay para masuportahan ang claim nito.

Sa kabuuang 27 kaso, sinabi ni Fajardo na 11 ang “solved” na, ibig sabihin ay naisampa na ang mga kaso at naaresto na ang mga suspek; apat ang itinuring na “cleared” o nakasampa na ng kaso ngunit at-large pa rin ang mga suspek; habang ang natitirang 12 ay nasa ilalim pa ng imbestigasyon.

Sa mga nasabing kaso, pito ang related sa POGOs, tatlo ang traditional kidnap for ransom at isa ang casino related.

Aniya, ang mga kasong ito ay kadalasang dahil sa kabiguan ng mga biktima na magbayad ng kanilang utang, kung kaya’t sila ay dinukot ng mga kapwa manggagawa ng POGO upang pilitin silang magbayad.

Sinabi ni Fajardo na nakipagpulong ang mga opisyal ng PNP Anti-Kidnapping Task Force sa mga opisyal ng PCCCI noong Martes upang linawin ang usapin.

Sa pagpupulong, sinabi ni Fajardo na nabigo ang mga opisyal ng PCCCI na patunayan ang kanilang claim tungkol sa 56 na kaso ng kidnapping.

“The PCCCI was enlightened that there are no 56 kidnapping cases for the last 10 days. When the PNP-AKG (Anti-Kidnapping Group) showed the data, they (PCCCI officials) were enlightened that for 2022, the record is 27 kidnapping cases,” ani Fajardo.

Ibinunyag ng PCCCI ang impormasyon tungkol sa 56 na kaso ng kidnapping sa isang press conference sa House of Representatives nitong Martes. RNT