Naitalang validated election-related violence ng PNP, umabot na sa 16

Naitalang validated election-related violence ng PNP, umabot na sa 16

May 8, 2022 @ 1:22 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sumampa na sa 16 ang naitalang validated election-related violent incidents ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa, isang araw bago ang halalan bukas.

Sa press conference, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nadagdag sa bilang ang nangyaring shooting incident sa Magsingal, Ilocos Sur nitong Sabado ng umaga kung saan sangkot ang mga tagasuporta ng dalawang magkatunggaling mayoral candidates sa nasabing bayan.

Matatandaang apat ang nasawi sa barilan habang apat din ang sugatan.

Dalawa ang naaresto sa insidente habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ibang nakatakas.

“For all intents and purposes, this single incident of apparent election-related violent incidents is an isolated case as the situation in the entire province of Ilocos Sur and the Ilocos-Pangasinan region remains peaceful and orderly,” saad ni Police Brigadier General Westrimundo Obinque, regional director ng Police Regional Office 1.

Samantala, sa kabuuan, aabot na sa 63 ang naitalang insidente mula Enero 9 hanggang Mayo 8.

Sa nasabing bilang 41 ang non-election related incidents, habang anim ang suspected election-related.

“If we compare ‘yung mga validated election-related incidents to 2016 and 2019 elections, mas mababa itong 16 so far na naitala natin. With respect sa gun ban violators at confiscated firearms, more than 50% ang naibaba don sa mga naaresto natin. This is good indicators, this is good numbers,” aniya.

Nabatid na noong 2016 ay nakapagtala ang PNP ng 133 election-related violent incidents habang 60 in 2019. RNT/ JCM