Naiuuwing kita ng mga tsuper bumaba pa sa P300 – PISTON

Naiuuwing kita ng mga tsuper bumaba pa sa P300 – PISTON

January 29, 2023 @ 3:23 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, bumaba pa ang naiuuwing kita ng mga driver ng jeepney sa P300 hanggang P400 para sa kani-kanilang pamilya.

Ito ang sinabi ni Transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda sa panayam ng DZBB kung saan ang arawang kita ay malayo sa estimated family living wage na P1,100.

“Dahil nga dun sa serye ng pagtaas, kung dati ay kumikita kami ng P400 to P500, ay ngayon ay lalong nababawasan. Halos bumabalik kami sa P300 to P400 ‘yung aming take-home na naiuuwi namin sa aming pamilya na ‘di hamak na mas malayo sa family living wage para mabuhay ang lima sa isang pamilya,” ani Floranda.

“Batay sa mismong pag-aaral ng IBON Foundation, dapat P1,133 kada araw ang kailangan ng isang pamilya. Hindi pa ito para guminhawa ang kanilang buhay. Ito ay para matugunan lamang ang pangangailangan sa loob ng isang araw,” dagdag niya.

Sa nagdaang oil trading sa nakalipas na limang araw, posibleng tumaas ang presyo sa kada litro ng diesel ng

P0.60 hanggang P0.80 sa susunod na linggo habang ang gasolina naman ay posibleng madagdagan ng P1.20 hanggang P1.40 kada litro.

Ito na ang marka ng ikatlong sunod na linggo ng taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Gumawa na ng paraan ang ibang tsuper ng jeepney para makapag-uwi pa rin ng kita sa kanilang mga pamilya.

“Sa ngayon, lalong lumiit ang kita ng ating sektor ng ating public transport dahil nga dito sa tuloy-tuloy na namang paggalaw sa presyuhan ng mga produktong petrolyo sa bansa,” sinabi pa ni Floranda.

“Tayo ay nangangamba sa mga serye ng mga pagtaas dahil hindi lamang sektor ng transportasyon ‘yung pangunahing tatamaan nito kundi mismo ang ating mamamayan dahil alam namin natin na ‘pag tumataas ang presyo ng petrolyo, ay tumataas din ang pangunahing pangangailangan at serbisyo.” RNT/JGC