NAIWAN SA ERE

NAIWAN SA ERE

January 7, 2023 @ 11:16 AM 4 weeks ago


HINDI naging maganda ang simula ng taon sa libo-libong mga biyahero dahil sa suspensyon ng operasyon ng lahat ng paliparan sa buong bansa nitong mga nakaraang araw. Lampas 300 na flights at mahigit 65,000 pasahero ang apektado ng mga delayed o cancelled flights.

Dahil daw sa “technical glitch” na sanhi ng pagpalya ng kuryente, nasira ang radar, radyo at komunikasyon ng Manila International Airport at ng lahat ng paliparan sa loob ng bansa. Minabuti ng mga opisyal na suspendihin na ang lahat ng departures at arrivals ng lahat ng nakabiyaheng eroplano. Para siguraduhin ang kaligtasan ng lahat.

Andami ngayong tanong sa mga kinauukulan. Saan nagmula ang aberya? Sino ang mga dapat managot sa napakalaking kapalpakan na ito? Ano ang epekto nito sa ating lahat?

Hindi raw gumana ang dapat ay uninterruptable power system o UPS. Sa salita pa lang na “uninterruptable”, dapat ay hindi nga ito naaabala. Hindi napuputol na daloy ng kuryente.

At lalong nasira ang lahat ng mga gadget at kagamitan, dahil nagka-power surge o sumobra ang daloy ng kuryente at malamang nasunog ang mga kable at computer chips.

Dapat magpaliwanag ang Civil Aviation Authority of the Philippines at ang Dept. of Transportation kung bakit ang halos bago pa lang na air traffic management system ay pumalpak. Noon lamang 2018 nag-umpisa ang sistemang ito, bagamat 2010 daw ang bersyon ng air traffic management system. Sa sobrang laki ng ginastos ng gobyerno, malamang naman ay dapat lampas anim na taon ang pakinabang sa sistemang iyan.

Hindi lamang malaking kahihiyan ang insidenteng suspensyon ng operasyon ng lahat ng airports natin. Lumabas sa mga balita sa ibang bansa ang nangyari.

Apektado ang overseas Filipino workers na hindi nakabalik sa kanilang mga trabaho sa ibang bansa. Ang mga negosyanteng mamumuhunan sana sa bansa ay magda-dalawang isip na kung tutuloy ba sila rito kung ganyan kahina ang palakad ng air transportation natin.

At baka humina ang turismo natin.

Tapos, kailangan daw ng 13 bilyong piso para umayos ang lahat?

Mukhang naiwan tayong lahat sa ere.