NAKABUBUWISIT ANG PLDT WIFI

NAKABUBUWISIT ANG PLDT WIFI

July 25, 2018 @ 7:16 PM 4 years ago


Sa rami ng nagrereklamo sa walang kwentang serbisyo ng PLDT Wifi, dapat sigurong ipag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasara ng kompanya.

Walang araw na hindi nakatatanggap ang Chokepoint ng iba’t ibang reklamo na ‘di inaaksiyunan ng PLDT management.

Kung magyabang sa patalastas, aba’y napakagaling ang  serbisyo sa milyon-milyon nilang customer, pero sa totoo lang palpak naman.

Kundi totally sira dahil ‘di na talaga magamit dahil zero signal, mag-iinit naman ang ulo mo sa sobrang bagal na signal ng PLDT wifi.

At ang nakaaasar, napakabilis nilang magpadala ng bill sa mga customer pero ang reklamo sa palpak nilang serbisyo ay usad-pagong.

Gaya na lang sa sumbong ni Marlou Casa (PLDT wifi account #0261437635 at tel. # 023740472) Block 37F, Lot 2, Maya-Maya St., North Bay, Kaunlaran Village, Navotas City.

Last week pa ng Hunyo nang ireklamo nito ang pagkawala ng signal ng kanilang wifi pero ‘di raw tinutugunan ng PLDT management.

Si Casa ay isa lamang sa libo-libong kustomer na ‘di na nasisiyahan sa napakawalang kuwenta at nakabubuwisit na serbisyo ng PLDT wifi.

Aba’y mahiya naman kayo.

GEN. RINGGO VS SCALAWAGS

Si C/Supt. Emmanuel Licup, director ng Region 4B, ang isa sa nakikita nating police official na nais malinis ang PNP sa tinatawag na bad cops.

Mula kasi nang siya’y umupong R4B boss, sa maigsing ilang buwan sa pwesto ay 24 police scalawag na ang kanyang sinibak.

‘Di lang sa mga pulis na nasasangkot sa iba’t ibang krimen galit si Gen. Ringgo kundi sa mga pulis din na tamad at ‘di nagtatrabaho.

Kumbaga, kailangan mong mag-deliver para ika’y ‘di masibak.

Sa mga pulis na nasasangkot sa droga ang matinding kinaiinisan ni Gen. Licup.

Noong Hulyo 21 lang, ipinag-utos ng heneral ang operasyon laban kay PO3 Marco Hashim Alegre na isang ‘high value target’ dahil sa involvement sa droga.

Kasama ang Counter Intelligence Task Group at Regional Intelligence Unit ng rehiyon, napatay si Alegre matapos lumaban sa mga pulis.

Kudos sa matigas na paninindigan ni Gen. Licup para malinis ang Mimaropa region sa mga siraulong pulis. – CHOKEPOINT NI BONG PADUA