Nakahubad nang pinatuwad

Nakahubad nang pinatuwad

July 9, 2018 @ 7:07 AM 5 years ago


 

Sunod-sunod ang nababalitaan nating kalokohan ng mga pulis nitong mga nakalipas na araw.

May sangkot sa pangi­ngikil, mayroong natutulog habang nasa duty at mayroon pa ring palpak sa trabaho.

Ngunit ang pinakama­tindi sa lahat ay ang pagpapahubo at pagpapatuwad sa isang babae na ang video footage ay nakarating sa media kung kaya nakita ng publiko.

Ang kababuyang ginawa ng apat na pulis na nakadestino sa Drug Enforcement Unit ng pulisya ng Makati City sa pa­ngunguna ni Senior Insp. Valmark Funelas ay naganap noong pang Enero 2017.

Ang iba pang sang­kot ay sina Stephanie Limhap, Heizelle Maramag at Francis Intia na pawang mga police officer pa lamang ang ranggo.

Kamakalawa lang ipi­narating ng isang pulis na alyas “Gary” sa media ang pangyayari.

Ayon sa babae, pumayag siyang maghubo at tumuwad sa harapan ng mga pulis na ang ba­yad ay P2,000, sapagkat kailangang-kailangan niya ang pera noong pa­nahong iyon.

Ngunit, hindi tama ang ginawa nina Funelas, Limhap, Maramag at Intia sa babae, diin ni Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office at Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., hepe ng Southern Police District.

Sabi pa ni Eleazar, niyurakan nina Funelas ang pagkababae ng biktima.

Kung hindi pa ibinigay ni Gary ang video foo­tage sa media, tiyak makalulusot ang mga kababuyang ginawa nina Funelas, Limhap, Maramag at Intia.

Ang nakagagalit sa ginawa ng apat ay tila sinaniban ng espiritu ni satanas dahil nagtatawa­nan pa sila habang pinanonood ang babaeng pinaghubad at pinatuwad.

Demo lang daw ang ginawa nila para turuan ang tatlong bagitong pulis kung paano hahanapin ang iligal na droga kapag babae ang nadakip nila, pagtatanggol ni Funelas habang nasa hinihingan siya ng paliwanag ng mga reporter noong Huwe­bes.

Dapat tanggalin na ang mga ito sa Philippine National Police dahil kababuyan lang ang ginagawa, gayong napakalaki ng itinaas ng kanilang sahod.

PAG-IBIG FUND SA TRICYCLE DRIVERS

NAPAKAGANDANG proyekto ang pagpapa­miyembro ng administrasyon ni Mayor Herbert Bautista sa mga tricycle driver at operator ng Quezon City sa Pag-ibig Fund.

“Before, Pag-IBIG was not accessible to the informal sector, so now Pag-IBIG is making itself  more accessible to the informal sector like the tricycle operators and drivers associations (TO­DA),” banggit ni Vice Ma­yor Joy Belmonte.

“They’re trying to work with the TODA now, so that the TODA can access housing using the Pag-IBIG Fund,” tugon pa ni Belmonte.

Napakalaking bagay ang naturang proyekto, sapagkat binibigyan ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang mga tricycle driver at operator na pagkakataon na magkaroon ng bahay at lupa na matatawag na tunay na kanila.

-BADILLA