Nakakuha ng bagong fare matrix 6% lang – LTFRB exec

Nakakuha ng bagong fare matrix 6% lang – LTFRB exec

October 3, 2022 @ 10:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Anim na porsyento lamang ng target public utility vehicles (PUVs) ang nakakuha ng kopya ng updated fare matrix, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes, sa unang araw ng implementasyon ng fare hike.

“Ito pong fare matrix para sa effectivity nung bagong fare adjustment, mga six percent pa lang ang nabibigyan natin doon sa target nating 250,000 na mga PUVs,” sabi ni LTFRB Board Member Mercy Jane Paras-Leynes.

Sinabi pa ni Leynes na magpapataw ng P5,000 multa para sa PUVs na hindi maglalagay ng kopya ng bagong fare matrix base sa Joint Administrative Order No. 2014-001.

Dahil sa mababang porsyento ng PUVs na hindi nakakuha ng updated fare matrix sa unang araw ng fare increase, sinabi niya na inihanda ng LTFRB amh monitoring teams nito upang bantayan ang PUVs. Nakipag-ugnayan na rin umano ang LTFRB sa operators upang tiyakin ang pagsunod ng kanilang PUVs.

Inabisuhan naman ni Leynes ang commuters na iulat ang PUVs na walang bagong fare matrix sa Facebook page at hotline 1342 ng LTFRB.

Base kay Leynes, naniningil ang LTFRB ng P50 para sa kopya ng updated fare matrix.

Simula ngayong Lunes, magtataas ang pamasahe para sa public transport matapos aprubahan ng LTFRB ang fare adjustments sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis. RNT/SA