Nakakulong na pulis, nagtangkang magpakamatay

Nakakulong na pulis, nagtangkang magpakamatay

October 24, 2022 @ 1:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isang pulis na suspek sa pagnanakaw ang nagtangkang kitilin ang sariling buhay habang nasa kustodiya ng pulisya sa General Trias City, Cavite.

Ayon sa Cavite Police, ang pulis na kinilala sa pangalang Lieutenant Reynaldo Afable ay humiling na gagamit ng kubeta 2:40 ng hapon nitong Linggo, Oktubre 23.

Nang nasa loob na ng kubeta ay dito na sinubukan ni Afable na saksakin ng gunting ang sariling leeg.

Nakuha umano sa loob din mismo ng istasyon ng pulis ang naturang gunting.

Agad na dinala ang sugatang pulis inmate sa Divine Grace Medical Center upang mabigyan ng atensyong medikal, at ngayon nasa maayos nang kondisyon.

Sa ulat ng mga imbestigador, si Afable na aktibong miyembro ng pulisya, ay isa sa mga suspek sa nangyaring pagnanakaw sa isang subdivision sa lungsod nitong Oktubre 18 kung saan kinuha ng mga ito ang 9-mm pistola ng biktima at sari-saring alahas na nagkakahalaga ng P1-milyon. RNT/JGC