Nakaligtas na drayber sa aksidenteng ikinamatay ng 3 Airforce, ligtas din sa asunto

Nakaligtas na drayber sa aksidenteng ikinamatay ng 3 Airforce, ligtas din sa asunto

February 19, 2022 @ 5:10 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Hindi na kakasuhan ng mga magulang ng tatlong mga namatay na Philippine Air Force (PAF) ang drayber ng kotse na siyang nakaligtas sa aksidente nang banggain nito ang concrete barrier sa EDSA, Quezon City at masunog kahapon ng madaling araw.

Ito ang inihayag ni Quezon City Police District (QCPD) District Traffic Enforcement Unit (DTEU) commander PLTCOL Cipriano Galanida kung saan sinabi nito na ayaw na ng mga magulang ng mga namatay na kasuhan pa ang drayber na si Airman 2nd Class Manuel Ognes na siyang bukod tanging nakaligtas sa insidente.

Matatandaan na dakong 1:58 ng madaling araw (February 18) nang maganap ang sakuna sa Edsa South Bound Corner North Road Barangay Lipunan Crame Q.C.

Sakay ng Honda City na may plakang NDR 7213 ang mga biktima na sina Airman 1st Class Sabado Angelo, Airman 1st Class Aaron Tabarle at Airman 1st Class Kyle Justine Velasco nang salpukin ng saksakyan ang anim na concrete barrier at masunog.

Tanging si Ognes lamang ang nakalabas sa nasusunog na kotse at naiwan ang tatlo sa loob ng sasakyan na sanhi ng kanilang kamatayan.

Kahit hindi na kinasuhan ng mga magulang ng mga biktima si Ognes ng Homicide, nanatili pa rin itong nakapiit sa Traffic Sector 4 dahil sa kasong driving in the influence of liquor at damage to property dahil sa pagkawasak ng mga concrete barrier.

Lumalabas sa imbestigasyon ni Police Corporal Reggie Arevalo, galing umano sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kanilang batch ang mga biktima kabilang na si Ognes at papauwi na sana ang mga ito sa Villamor Air Base sa Pasay City nang maganap ang trahedya. Jan Sinocruz