NAKASASAWA NA

NAKASASAWA NA

January 17, 2022 @ 10:34 AM 7 months ago


NATAPOS nitong Sabado ang home quarantine ng panganay kong anak.  Suspetsa namin, marami ang tinamaan ng Omicron dito sa aming village.

Tahimik kasi, wala halos lumalabas ng mga bahay. Hindi man magandang pakinggan mas okay na ito dahil hindi siya kasing bagsik ng Delta, pero nakatatakot pa rin.

Habang lumilipas ang mga araw sa home quarantine, araw-araw din nating nabalitaan kung gaano kabilis at kalala ang pag-ragasa ni Omicron.

Sa loob ng isang linggo, record-breaking ang mga kaso ng COVID.  Malamang nga ay Omicron, ayon na rin sa mga eksperto natin.

Nakalulungkot lang, imbes na aasahan mo sana ang mas maayos at mahusay na tugon ng gobyerno dahil halos dalawang taon na tayong nasa pandemya, parang mas nadidismaya pa ako.

Mahal pa rin ang mag-pa test ng RT-PCR.  At kahit mababa na sa Php 1,000 ang rapid antigen test, uunahin pa ba ito ng isang ordinaryong manggagawa o ipambibili na lang niya ito ng bigas at ulam para sa pamilya?  Tapos aaminin na lang ng taga-gobyerno na hindi naman talaga natin maitataas ang kakayahan ng testing, dahil hanggang 50,000 lang talaga ang kayang suriin kada araw.

Wala tayong pambayad sa libreng testing, pero Php 7 billion para sa maanomalyang Pharmally deal ng face shields, meron budget?

Sa gitna ng surge ng Omicron, kapos at hindi daragdagan ang contact tracing?

Ang tugon para makontrol ang pagkalat ay limitahan ang galaw ng mga hindi bakunado.

Bakit paparusahan ang hindi bakunado, eh, mas epektibo kung hihikayatin sila sa pamamagitan ng pabuya o “incentive”.  Bigyan ng 1 kilong bigas ang bawat magpapabakuna, tingnan ko lang kung hindi pilahan ang mga bakunahan.

No vax-no ride, dagdag pasanin ng maraming commuter.  Mabagal na desisyon sa bakasyon muna sa mga eskwelahan.  Haaaaayyy naku!

Walang malinaw na strategy, walang maayos na pandemic response. Bakit ba sa gitna ng isang public health emergency, hindi mga eksperto sa kalusugan ang nagtatakda ng mga polisiya?

Nakasasawa na.