Nakatayo, sabit sa bus, dyip, bawal sa Alert Level 1

Nakatayo, sabit sa bus, dyip, bawal sa Alert Level 1

March 1, 2022 @ 2:24 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Ipinagbabawal ang nakatayong pasahero sa jeepney at bus sa ilalim ng Alert Level 1 dahil pinapayagan lamang ang mga ito na gamitin ang kanilang full seating capacity.

Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer-in-charge at general manager Romando Artes na pag-uusapan nila ang bagay na ito kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Hindi papayagan ‘yung tayuan dahil ang nakalagay po sa guidelines ng IATF ay full seating capacity, meaning yung kapasidad lang po ng sasakyan kung saan ang pasahero ay nakaupo. Yun lamang po yung papayagan except po sa MRT…sa capacity yung nakatayo kasi kung makikita niyo ang MRT naman po, LRT, designed po na kaunti lang ang nakaupo at mas maraming nakatayo. Except po doon, sa mga buses at jeepneys po, full seating capacity lang,” ani Artes.

Simula Marso 1 hanggang Marso 15, ang National Capital Region at 37 iba pang lugar sa bansa ay nasa ilalim na ng Alert Level 1, itinuturing na pinakamababang COVID-19 risk classification.

“Under Alert Level 1, intrazonal and interzonal travel shall be allowed without regard to age and comorbidities. All establishments, persons, or activities, are allowed to operate, work, or be undertaken at full on-site or venue/seating capacity provided it is consistent with minimum public health standards,” ayon sa ulat.

Sa ngayon, maayos naman ang pagpapatupad ng full capacity sa public transportation.

Disiplinado naman aniya ang mga pasahero at nagse-self-regulate.

“Sa ngayon, maayos naman po yung pagpapatupad. Sa tingin naman po namin nadisiplina na yung mga tao at nagse-self-regulate din po,” ayon kay Artes.

At sa tanong naman kung posible ang pagbabalik ng provincial buses sa EDSA, sinabi ni Artes na pag-uusapan ng MMDA at LTFRB ang bagay na ito sa mga susunod na araw.

Aniya, isang malaking hamon na maibalik ang provincial buses sa EDSA dahil na rin sa nabawasang espasyo sa mga pangunahing lansangan bunsod ng exclusive lane na itinalaga para sa Bus Carousel and bikes.

Samantala, io-obserba naman ng MMDA ang epekto ng Alert Level 1 sa kondisyon ng trapiko sa loob ng isang linggo upang desisyunan kung palalawakin ang number coding scheme. Kris Jose