NAKATUTUWANG PAGHAHANGAD

NAKATUTUWANG PAGHAHANGAD

March 14, 2023 @ 1:29 PM 1 week ago


MAY isang ina ang kamakailan ay sabihin na nating nabudol o nai-scam na nagsimula lamang sa isang tawag sa telepono.

Noong una, sabi ng caller kay misis na taga-Balamban (napaka-layo ng lugar na ito) ay may napanalunan siyang limangpung libong piso (P50,000) dahil sa kanyang pag-comment lamang sa programa ng kilalang TV host na si Willie Revillame.

Sa kasiyahan ni misis, hindi na nito inalam kung totoo talaga ang pangyayari at tuluyan na siyang bumigay at naniwala sa kanyang caller, kalaunan sa kanilang pag-uusap ay sinabing kailangan niyang magpadala ng P2,750 para maiproseso ang kanyang napanalunang P50k.

Nagkukumahog na nagpadala ng sinabing halaga si misis mula sa naipong salapi para sa tatlong anak na babaeng mga pinag-aaral.

Tumawag muli ang caller na nadagdagan pa ang kanyang napanalunan ng isa pang P50,000 at may pinarinig pa sa kanyang boses, na boses ni Willie Revillame na binabati siya sa kanyang pagkakapanalo, samantalang di niya naman narinig na binanggit ng TV host ang kanyang pangalan.

Ang huli niyang narinig ay bilin na lamang ni Revillame na “kayo na ang bahala”.

Ito ang katunayan ng caller sa kanya na siya ang pinagkatiwalaan para ayusin ang napanalunan.

Hanggang sa kailangan na naman magpadala ni misis ng P4,500 para makuha ang premyo.

Umabot na sa bente mil (P20k) ang napadala ni misis sa paghahangad na makatanggap ng P100K.

Nagsimula ‘yan noong October at ngayon ay Marso na.

Walang natanggap na P100K ang winner, kundi ang mga reklamo ng kanyang mga kapitbahay na inihain sa kanilang barangay dahil sa kanyang mga inutang na p era.

Ngayon ay nakikipag-ugnayan na siya sa CIDG Region 7 para sa ikadarakip ng mga bumudol sa kanya, matapos magtaka, dahil iba ang kanyang kausap sa tumatanggap ng perang kanyang ipinadadala.

Tama ang kasabihang, naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala.

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!