NAKO-COVID, AYAW MAGPAOSPITAL AT WALA NANG LIBRENG RT-PCR TEST

NAKO-COVID, AYAW MAGPAOSPITAL AT WALA NANG LIBRENG RT-PCR TEST

January 12, 2022 @ 10:43 AM 7 months ago


NAKAKIKILABOT ang sinasabi ng mga nako-COVID-19 na ordinaryo at mahihirap na mamamayan.

Kahit tinatamaan na ang buong pamilya, ayaw pa ring magpaospital dahil sa kawalan ng panggastos.

Gayundin na nakakikilabot ang pagtugon ng ilang Rural Health Unit sa mga nagkakasakit na ordinaryo at mahihirap ding mamamayan.

Halos hindi na nga sila tumutugon, sinasabi rin nilang wala nang libreng COVID test, lalo na ang reverse transcription polymerase chain reaction.

WALANG PANGGASTOS

May mga libreng bigay ng mga pampublikong ospital, hawak man ng gobyernong nasyunal o local.

Halimbawa ang napakamamahal na professional fee ng mga doktor sa hanay ng mga pribadong ospital at karaniwang nagkakahalaga ng P100,000 bawat isa.

Karaniwang sabay-sabay na hahawak sa pasyente ang tatlo o apat o limang ispesyalista at naniningil ng P100,000 bawat isa gaya ng para sa puso, hyblood, diabetes, bata at iba pa.

Libre rin ang oxygen at iba pang serbisyo.

Subalit marami rin ang mga gastos gaya ng mga gamot at gamit ng mga pasyente na pinabibili sa mga pamilya ng pasyente.

Kabilang dito ang mga gamot pang-COVID na nagkakahalaga ng mula P12,000 hanggang sa P50,000, oximeter, iba’t ibang hose, swero, laboratory fee, x-ray at iba pa.

At siyempre pa, malaking gastos din ang pagbiyahe-biyahe, may sasakyan man o wala ang pamilya, dahil sa mahal na gasolina o pag-arkila nito.

Ang pagkain at pamasahe ng mga bantay, mahal din at imadyinin na lang natin na 14 araw o higit pa ang uubusin na may halong gastos araw-araw.

Kaya naman, ayaw nang magpaospital ang maraming ordinaryong mamamayan at ipinauubaya na lang nila lahat sa Diyos o kapalaran ang kanilang buhay.

PARALISADO AT WALANG LIBRENG COVID TEST

May mga local government unit gaya ng mga barangay, lungsod at bayan na mabilis na rumesponde sa panawagan ng tulong mula sa mga nagkaka-COVID.

Dito natin pinasasalamatan ang mga barangay official na mabilis na rumeresponde, gaya ni Guyong Punong Barangay Graciano Gravador at mga opisyal at empleyado niya sa Sta. Maria, Bulacan.

Mabilis nilang ginagampanan ang tungkulin na ipaalam sa Rural Health Unit ng Sta. Maria ang mga nagkaka-COVID.

Pinasasalamatan din natin ang mga Task Force COVID-19 dahil mabilis silang tumutugon, halimbawa, sa pagtakbo sa mga ospital ng mga pasyente basta’t may tiyak na ospital at rekomendasyon ng mga LGU.

Pero napupurnada ang mga kilos ng mga opisyal ng barangay at Task Force COVID-19 sa pagsablay ng mga bayan at lungsod, partikular ang mga RHU ng mga ito.

May mga RHU na hindi tumutugon sa panawagan ng tulong hanggang sa madala sa ospital at mamatay ang pasyente.

At ang uso ngayon, anak ng tokwa, kung na-COVID ka o ang pamilya mo, bungad sa iyo ng mga taga-RHU, wala nang libreng swab test, lalo na ang reverse transcription polymerase chain reaction.

Ang masama pa, higit nilang inginunguso ang mga pribadong private testing center para mabilis umano ang resulta kaysa sa mga pampublikong testing center.

Negosyo at may nangongomisyon?

Sana naman wala!