Nakolektang buwis sa rice import, tumaas ng 14% – DOF

Nakolektang buwis sa rice import, tumaas ng 14% – DOF

June 27, 2022 @ 9:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakakolekta ang Bureau of Customs (BOC) ng P8.35 bilyong piso mula sa rice import tariffs sa unang limang buwan ng taon.

Nagmarka ito ng double digit growth mula sa kahalintulad na panahon noong 2021, dahil sa mataas na shipments na pumasok sa bansa.

Ayon sa Department of Finance (DOF), ang huling koleksyon mula sa rice import tariffs ay sumalamin sa 14% na pagtaas mula sa P7.32 billion na sumasakop sa Enero hanggang Mayo ng nakaraang taon, dahilan upang makapagtala ng 37% na pagtaas sa import volumes.

Sakop naman ng pinakabagong koleksyon ang 1.43 million metric tons ng rice imported sa nasabing panahon o 36.9% na mas mataas sa 1.04 million metric tons na naitala sa “comparable period” ng 2021.

“The BOC managed to keep its collections on rice import tariffs on track despite the continued drop in the average value of rice in the world market,” ayon sa kalatas ng DOF.

Ang global average price ng bigas ay tumama sa P16,712 per metric ton sa unang limang buwan ng taon, mas mataas sa P19,977 per metric ton noong 2021.

Ito’y matapos na maging epektibo ang Rice Tariffication Law noong Marso 5, 2022, na epektibong nagpataw ng 35% tariffs sa imports mula sa mga kalapit na bansa sa Southeast Asia.

Nilagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Pebrero ng parehong taon. Kris Jose