NAKU PO! SABIT NA NAMAN SI KAP!

NAKU PO! SABIT NA NAMAN SI KAP!

January 27, 2022 @ 4:57 AM 8 months ago


ANO na ba ‘yan? Hindi pa man natatapos ang kanyang problema sa Commission on Audit kaugnay ng hindi maipaliwanag na paggamit ng pondo sa loob ng maraming taon, muli na namang sumabit sa isa pang bulilyaso ang suking Kapitan ng isang barangay sa bayan ng Taytay, Rizal.

Sa isang pahinang liham kasi na natanggap ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano, ikinanta ng mga kaalyadong kagawad ni Kapitan Allan ang umano’y sukdulang awtoritaryanismo ng bruskong opisyal ng kanilang pamayanan.

Sa pag-amin ni Kagawad Diego, naipasa ang P104 milyong 2022 budget ng Barangay Dolores nang walang nagaganap na sesyon, bagay na aniya’y mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng mga probisyong kalakip ng Local Government Code.

Asus, tinamaan ng kulugo! Kung walang sesyong naganap, paano kaya nagawa ni Kapitan na ihain sa Sangguniang Bayan ang P104M halaga ng 2022 barangay operating budget at supplemental ordinances ng pinakamayamang barangay sa Taytay?

Ang siste, kung hindi pa nagsipagkantahan ang mga kagawad,hindi pa mabubuko ang bulilyaso.

Ang ordinansang budget ng barangay binalangkas, inihain at inaprubahan ba niyang mag-isa?

Kung ganun, ano pa ang silbi ng mga kagawad?

Sa walong kagawad (kasama ang Sangguniang Kabataan chairman) ng Barangay Dolores, lima ang lumagda sa liham kay Secretary Ano.

Ang siste, pawang kaalyado ni De Leon ang mga lumagda na wari ko’y naghuhumiyaw ng “aba’y tama na sobra na!”

Ang higit na nakababahala ay ang nalalapit na halalan sa posisyon ng pagiging alkalde ng Taytay. Bakit kamo? Isa siyang kandidato!

Posible kayang magamit ang P104 milyon sa ambisyong maging alkalde ng Taytay? Hindi naman siguro, lalo pa’t batid niyang malaking dagok sa kanyang puntiryang posisyon ang anomang ikasisira niya sa mata ng publiko.

Ang totoo, hindi na bago sa mga kolumnista ang pangalan ni Kapitan Allan de Leon na una nang nasangkot sa umano’y pagbebenta ng lupa ng pamilya gamit ang mga pinekeng lagda sa dokumento ng mga kapatid ng kanyang yumaong ama.

Maging ang COA, sumuko sa pagmamatigas ni Kap sa mga kwestiyunableng transaksyon, hindi maipaliwanag na kinapuntahan ng pondo at paratang ng mismong mga empleyado ng bulwagang nagsilbi niyang tanggapan mula nang mahalal sa pwesto bilang kapitan ng Barangay Dolores.

Ay ang buhay nga naman basta pera…..

oOo

Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764 o 09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]