NAKUKUHANG GROUND WATER SA BUONG BANSA PAKONTI NANG PAKONTI 

 NAKUKUHANG GROUND WATER SA BUONG BANSA PAKONTI NANG PAKONTI 

October 7, 2022 @ 4:16 PM 2 months ago


ANG NWRB o National Water Resources Board ay isang ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa lahat ng katubigan sa buong bansa at nagmomonitor sa paggamit ng tubig.

Ang pagkontrol ng paggamit ng lahat ng uri ng katubigan tulad ng alokasyon, konserbasyon at pag-iingat na kaakibat ang pagsustena sa pagpapaunlad nito sa pamamagitan ng sistema ng water rights.

Pangunahing pinagkukunan natin ng potable water ay ang ground water na ayon sa datus ng NWRB ay 49% ay nagagamit sa mga domestikong pangangailangan, 32% sa agrikultura, 15% sa mga industriya, at 4% na iba pang pinaggagamitan.

 Pero nababahala ang NWRB sa pangunguna ni executive director Dr. Sevellio David, Jr. sa pagkatuyot ng mga ground water sa malaking bahagi ng bansa. Ang region 10 o ang Northern Mindanao na siyang may pinaka-konting ground water sa buong bansa ay halos wala na talagang makuha, habang pakonti na ng pakonti ang nakukuhang tubig mula sa Ilocandia at sa Central Visayas na siyang mas maraming imbak na ground water.

Sanhi ito ng mas dumaraming bilang tao, hindi maayos na pagtatapon ng mga wastewater, malawakang polusyon, ang saline water intrusion, at epekto ng mas lumalalang climate change and global warming.

Bunsod nito, nanawagan si Executive Director David na pangalagaan ang yamang-tubig sapagkat ang fresh at ground water ay hindi na gaanong kailangan ng treatments, hindi kagaya ng salt water na kailangan munang dumaan sa salination upang mainom.

Kapag sinasabi nating pinoprotektahan natin ang environment at ang kalidad ng tubig natin, ang pino-protektahan talaga natin d’yan ay ang sarili natin.

May mga lugar nilalagyan ng NWRB ng Telemetry Sensor Network Systems, sa pamamagitan ng mga sensors na ito, makakakuha ng mga real-time information ukol sa water parameters maging ang dami at kalidad ng tubig sa kalupaan ng dalawang bayang nabanggit. Aktuwal na makukuha ang water level para malaman ang quantity habang masusukat din ang power of hydrogen, temperature at electrical conductivity para sa quality.

Maging responsable tayo sa paggamit ng tubig kahit pa masasabi natin na may may sapat tayong supply, hindi pa rin dapat tayo maging kampante, kinakailangang magtipid, mag-recycle.