NALASING SA KAPANGYARIHAN

NALASING SA KAPANGYARIHAN

August 17, 2022 @ 6:19 PM 1 month ago


INABOT ng mahabang panahon na natalaga sa ‘juicy position’ ang isang dating opisyal ng Manila Police District kaya naman nagawa niyang paikutin ang kanyang amo na naging sunud-sunuran sa kanyang mga ibinubulong.

Natalaga na sa ibang lugar ang kanyang amo at syempre, isinama siya kaya naman ang mga commissioned at non-commissioned officers na kanyang inapakan at inilagay sa balag ng alanganin, kaya laging napapahiya sa kanyang boss, ay lubhang natuwa at halos mapatalon sa sobrang kagalakan.

Maraming iligal na naging bread and butter ng opisyal na ito, mula sugal tulad ng jueteng gamit ang Small Town Lottery at Perya ng Bayan, patay, transfer ng tao at pagtatalaga ng opisyal na hawak niya sa magagandang pwesto na ang tara o lingguhang tinatanggap ay kahati siya.

May mga kaklase rin ang opisyal na ito¬† na galit sa kanya¬† dahil winalanghiya niya kasi may pagkakataon na inilalaglag niya sa “boss” para lang maipuwesto niya ang gusto niyang ipwesto na bata niya, siyempre, para sa lingguhang pakinabang o payola.

Ang isa pang masaklap, kapag may lumalapit sa kanyang pulis na gustong magpalipat ng station o unit ay tinatarahan niya ng malaking halaga o kaya naman ay nagpapabili siya ng asong may breed tulad ng American Bully.

Ngayong wala na siya, na-assign na sa region sa Visayas,  pinupukpok niya ang mga tauhan niyang ibinaon o iniwan sa mga section o unit para mangolekta at hindi sila mawalan ng koneksyon at koleksyon.

Nakakatawa na wala na ang opisyal na ito sa MPD subalit nagawa pa niyang kwestiyunin ang isang opisyal na nagpapalabas ng order sa pwestuhan ng tao. Galing ha? Baka akala niya, siya pa rin ang ‘bagman’ at ‘sulsultant’ sa MPD.

Buking na at bukas na ang mata ng mga bagong opisyal na dumating sa MPD sa kawalanghiyaan ng opisyal na ito kaya naman ang mga recommendation niya ay pawang tablado.

Mukhang tinamaan na ng karma ang opisyal na ito dahil wala nang naniniwala sa kanya. Tila inaani na niya ang mga kawalanghiyaan niyang ginawa sa kanyang kapwa.

Iyan kasi ang mahirap sa taong nalasing sa isang basong tubig o opisyal na sobrang bilib sa sarili dahil sa hawak na kapangyarihan o pwesto.