NAMAMATAY SA COVID-19 DUMARAMI AT BAGONG SALOT NA VARIANT

NAMAMATAY SA COVID-19 DUMARAMI AT BAGONG SALOT NA VARIANT

January 14, 2021 @ 12:43 AM 2 days ago

  •  
  •  
  •  

TULOY-tuloy ang pagbaba ng ranggo ng Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng coronavirus disease o COVID-19.

Nagsimulang pang-32 na lang ang bansa mula pang-30 simula kamakalawa makaraang pumasok sa pang-31 ang Portugal at pang-30 ang Israel.

Kaya lamang, sumasama naman ang nagaganap sa buhay ng mga biktima.

Nitong magkasunod na araw ng Martes at Miyerkules, may namatay na 138 at 146 na namatay.

Sa naunang dalawang linggo, palaging kulang-kulang sa 10 ang namamatay at nasingitan lang ito ng mahigit 40 at 50.

Kaya naman, naririyan ang panawagan sa lahat na hindi lang mag-ingat ang lahat sa hawaan sa sakit kundi, higit pa, magtulong-tulong laban dito at kamatayang hindi natin alam kung huhupa o lalala.

COVID-19 VARIANT NARITO NA

Natapos na rin ang paghahayag ng Department of Health na wala pang nakararating na COVID-19 variant o bagong anyo nito sa ating mahal na bansa.

Ito’y dahil may kaso na ito at nasa isang ospital na hindi binanggit ng DOH.

Ito na ba ang kaso na binabanggit ni Kiko Rustia kamakalawa na meron na talagang Mutant na COVID-19 sa Pinas?

Isang mahalaga na dapat malaman sa bagong anyo o variant ng nasabing virus ang higit na mabilis nitong makahawa nang 70 porsyento kumpara sa orig na virus.

Ang mga variant mula sa United Kingdom at South Africa ang pinakamabilis na makahawang variant mula sa mahigit 1,000 bagong anyo ng COVID-19.

Maaaring UK variant umano ang tumama sa Pinoy na pumunta noong Disyembre 28, 2020 sa Dubai at umuwi ito nitong Enero 7 mula sa United Arab Emirates sakay ng Emirates Flight EK 332.

Wala pang patunay na nakamamatay ang variant pero sa karanasan ng UK at South Africa na may magkaibang variant, halos nagdodoble ang nagkakasakit at dumarami ang bilang ng mga namamatay sa kanila.

Paano natin harapin ang ganitong kalagayan na posibleng nakamamatay ang mga variant at maaaring makapagpalala sa pagdami ng mga namamatay ngayon?

DUMARAMING NAMAMATAY

 

Dapat na tutukan ang nagaganap na pagdami ng mga namamatay.

Hindi tayo dapat basta magrelaks sa mga ulat na kasama sa mga iniuulat na namamatay nitong nagdaang mga araw, eh, nito pang buwan ng Disyembre nadale.

Ngayon, kung napuruhan talaga ang isang tao ng virus ng COVID-19, maaaring sanhi ito ng kanyang kamatayan.

Mahirap man o mayaman ‘yan at sa katunayan ilan na ang kakilala nating mahirap at milyonaryong namatay.

IBA ANG MAYAMAN

Ang mayaman, kung tinamaan ng COVID-19, madaling makapagremedyo ng lunas para maligtas.

Sa telepono lang, alam na kung saan ididiretso ito ng ambulansya para magamot.

At karaniwang magaganda ang mga pasilidad ng mga ospital na pinagdadalhan sa mga ito.

‘Yun bang === mamatay na nga lang sila, nabubuhay pa sa pagkilos ng lahat ng uri ng doktor at nurse na kailangan nila.

Handa silang magpakawala ng milyon para lang mabuhay.

Malas na lang sila kung sila’y matuluyan?

Sana naman, kagustuhan lang ni Lord ang pagpanaw nila dahil wala na tayong magagawa riyan.

MAHIHIRAP TUTUKAN

Sa kabilang banda, ang mga mahihirap na namamatay sa COVID-19 ang higit na dapat pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan dahil ang mga mayayaman ay kayang itawid ang kanilang mga sarili sa problema.

Halimbawa, karaniwan sa mga mahihirap ang itinatakbo sa iba’t ibang ospital sa pamamagitan ng traysikel bago i-admit sa huli ng pang-5, pang-6 o higit pang ospital.

Pagdating doon, naghihintay na sa kanya si kamatayan, lalo na kung walang maibigay na pang-emergency at panimulang gastusin na karaniwang nagkakahalaga ng P30,000 o higit pa.

At karaniwang pagkatapos ng 10 araw, pinalalabas na sila sa ospital dahil marami sa mga ospital ang nakasisingil lang sa PhilHealth ng hanggang P100,000.

Kahit pa kritikal ang naging kalagayan ng mga ito at maaaring ikamatay nila ang maagang pagpapalabas sa kanila sa ospital.

Ang mahirap, kahit may sintomas na, hindi ito basta pupunta sa health center o ospital para magpatsekap dahil libre man ang diagnosis, mahal naman ang mga gamot na pinabibili sa mga parmasyang doon nangongomisyon ang mga doktor.

Isang remedyo rito ang mariing pag-abiso sa lahat ng mahihirap na mamamayan na magpatingin sa doktor kung may mga sintomas sila gaya ng kawalan ng panlasa at pang-amoy, lagnat, hirap na paghinga at iba pa.

Dito dapat umaksyon ang lahat ng LGU mula kina kapitan hanggang sa mga mayor sa mga mahihirap na biktima at dapat silang gumarantiya ng ayuda.

Sa totoo lang, mayroon mismong mga kapitbahay ng isang biktimang mahirap na handang magbigay ng ayuda sa abot ng kanilang makakaya gaya na lang ng pamasahe papunta sa tsekap sa doktor o ilang kilong bigas para sa maiiwang pamilya ng biktimang maaaring maospital.

Kung magsasama ang pagkukusa ng mga mamamayan na tumulong at obligasyon ng mga kinauukulan na kumalinga para sa mahihirap, makatitiyak tayo ng hindi pagsirit ng kamatayan.

MGA SUPERSPREADER

Sa mga araw na ito sinasabing magsimula tayong mag-ani ng ating itinanim nitong Kapaskuhan at Kapistahan ni Itim na Nazareno.

Nitong Kapaskuhan, sa pamamagitan ng ating mga pagsisimbang gabi at pamimili ng kung ano-ano para sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon, nagtanim tayo ng pagbabalewala sa social distancing, siksikan sa mga pampublikong sasakyan at sa bilihan at bentahan ng mga serbisyo at produkto.

Nito namang kapiyestahan ni Itim na Nazareno, oo nga at may social distancing at may pagsusuot ng mga face mask sa loob ng simbahan ng Quiapo, sa labas naman, kitang-kita ang pagbalewala rin ng social distancing at halos kawalan ng silbi ng face mask sa pagsisiksikan ng mga deboto.

Hindi nakinig ang mga deboto, kasama ang mga vendor ng sari-saring produkto gaya ng mga t-shirt at panyo na may tatak na Itim na Poong Nazareno, maliliit na rebultong Itim na Nazareno at iba.

Naniniwala ang ilang eksperto sa kalusugan na naging Superspreader o Super Tagakalat ng COVID-19 ang dalawang okasyon.

At makaraan ng 14 na araw kaugnay ng Kapaskuhan, maaari nang magsimula nating maranasan ang pagdami ng mga magkakasakit at maaaring mamatay rin.

At nagsimula na nga.

Durugtong na rin dito ang bunga ng kapistahan ng Itim na Nazareno.

Paano ngayong may COVID-19 variant pa na nakahahawa ng mas mabilis at maaaring nakamamatay rin?

KUMILOS, ‘WAG LANG MAG-WISH

Sana naman, hindi maganap ang pinangangambahan ng mga health expert na pagdami ng mga magkakasakit at mamamatay, lalo na ngayong napasok na tayo ng COVID-19 variant.

Pero hindi lang pag-wish ang mga dapat gawin laban sa mga virus ng pandemya.

Sundin natin ang mga health protocol kung tawagin gaya ng tamang social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield at pagtatapon ng mga ito, kasama ang iba pang personal protective equipment, sa mga tamang basurahan, laging palaging malinis, tumulong sa mga contact tracing at iba pa.

Sana all ang pagsunod sa mga health protocol, disiplina at batas laban sa pandemya para sa ating kaligtasan sa sakit at kamatayan.


  •  
  •  
  •  

Loading...