NAMFREL sa Comelec: Petsa ng BSKE, ikasa!

NAMFREL sa Comelec: Petsa ng BSKE, ikasa!

August 22, 2022 @ 1:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hinimok ngayon ng election watchdog ang ang Commission on Elections (Comelec) na magtakda ng petsa sa pagsasagawa ng susunod na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) habang inulit nila ang kanilang pagtutol sa pagpapaliban nito.

Sa isang pahayag, binanggit ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) nitong Lunes ang Paragraph (3), Section 2, Article IX-C ng 1987 Constitution ,na nagbibigay sa poll body ng awtoridad “to [d]ecide, except those involving the right to vote, all questions affecting elections, including determination of the number and location of polling places, appointment of election officials and inspectors, and registration of voters.”

“The phrase ‘all questions affecting elections’ is broad enough to include setting the date of the BSKE. After all, the COMELEC is an independent Constitutional Commission, under Article IX, Section 1 of the Constitution,” ayon sa NAMFREL .

Binanggit din ng NAMFREL ang Article X, Section 8 ng Konstitusyon na nagbibigay sa Kongreso ng awtoridad na tukuyin ayon sa batas ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay: “The term of office of elective local officials, except barangay officials, which shall be determined by law.”

Ayon sa grupo, tanging ang termino ng panunungkulan ang hayagang nakasaad na dapat itakda ng batas, hindi ang desisyon kung kailan gaganapin ang halalan para sa mga opisyal ng barangay at SK.

Sa parehong pahayag, pinabulaanan ng NAMFREL ang mga argumentong ibinangon sa huling pagdinig ng House of Representatives’ Committee on Suffrage and Electoral Reforms na kamakailan ay bumoto pabor sa panukalang naglalayong ipagpaliban ang Disyembre 5, 2022 BSKE.

Ayon sa election watchdog, ang mga pondong inilaan para sa pagsasagawa ng 2022 BSKE ay hindi maaaring gamitin bilang ipon para sa pagbangon ng ekonomiya ng gobyerno at pagtugon sa COVID-19, na nagsasabing ipinagbabawal ng Konstitusyon ang paglilipat ng mga pondo para sa iba pang layunin.

“No law shall be passed authorizing any transfer of appropriations; however, the President, the President of the Senate, the Speaker of the House of Representatives, the Chief Justice of the Supreme Court, and the heads of Constitutional Commissions may, by law, be authorized to augment any item in the general appropriations law for their respective offices from savings in other items of their respective appropriations,” sabi ng NAMFREL batay sa nakasaad sa Article VI, Section 25 ng Konstitusyon.

“The Constitution is clear. No law shall be passed authorizing any transfer of appropriations. As regards the use of savings, the head of COMELEC, the Chair, is the one authorized to augment any item for the Commission from savings in other items,” sabi pa ng grupo.

Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ng Comelec sa panel na ang pagpapaliban sa Disyembre 2022 BSKE nang hindi bababa sa isang taon ay mangangailangan ng karagdagang gastos na P5 bilyon.

Tinutulan din ng NAMFREL ang argumento ng katatagan at pagpapatuloy na iniaalok ng mga nanunungkulan na pinuno ng barangay at SK, na ipinaliwanag na ang katatagan at pagpapatuloy ay “walang halaga” kung hindi suportado ng panibagong mandato mula sa mga tao.

“After the last four years, incumbents have shown whether they could be trusted in carrying out their programs and projects. Let the people decide now if they have earned that trust and so deserve to continue,”sabi ng NAMFREL.

Sinabi pa ng NAMFREL na kahit na ang BSKE ay ipagpaliban sa Mayo 2023, Disyembre 2023, o maging sa 2024, ito ay magiging dibisyon pa rin.

“Given these points, NAMFREL once again calls for the holding of the BSKE on 5 December 2022. The voice of the people should always be heard, never deferred,” ayon pa sa inilabas na pahayag. Jocelyn Tabangcura-Domenden