Namumuong bagyo mananalasa sa Palawan, Visayas

Namumuong bagyo mananalasa sa Palawan, Visayas

December 28, 2022 @ 7:41 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Uulanin ang Palawan, Visayas, at apat na iba pang lugar ngayong Miyerkoles, bunsod ng namumuong bagyo, ayon sa PAGASA.

Huling namataan ang low pressure area (LPA) sa layong 475 km silangan ng munisipalidad ng Hinatuan ang LPA.

“‘Yung low pressure area ay medyo malapit na po sa Mindanao. Kasalukuyang nasa dagat pa ito. Bumaba ang tsansa na maging bagyo ito pero hindi natin inaalis ang posibilidad na maging bagyo ito dahil nasa dagat pa ito,” ani PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio sa isang ulat.

Ang Palawan, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa LPA.

Ang mga flash flood o landslide ay maaaring magresulta dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon at Bicol Region naman ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon (Amihan) na nakakaapekto sa Luzon.

Dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan, maaaring magkaroon ng flash flood o landslide.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mahinang pag-ulan dahil sa monsoon.

Ang nalalabing bahagi ng Mindanao ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng mga localized thunderstorms. Sa panahon ng matinding bagyo, maaaring magresulta ang flash flood o landslide.

Magiging katamtaman hanggang maalon ang mga baybaying dagat sa lahat ng seaboard sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sumikat ang araw alas-6:19 ng umaga habang lulubog ito mamayang  alas-5:36 ng hapon. RNT