NAMUMUONG KONTROBERSYA SA MMDA

NAMUMUONG KONTROBERSYA SA MMDA

November 7, 2022 @ 1:20 AM 1 month ago


KAMAKAILAN ay pormal na muling itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos si Romando Artes bilang Metro Manila Development Authority chairman.
Pinalitan ni Artes si Carlo Dimayuga na nagsilbi bilang pinuno ng nasabing ahensya sa maikling panahon.

Ang tanong ngayon ay kwalipikado ba si Artes na pamunuan ang MMDA, na dati na rin naman niyang pinaglingkuran noong panahon ni dating Pangulong Digong Duterte?

Tama ba ang desis-yon ni PBBM na iluklok siya sa pinakamataas na puwesto sa MMDA, na kritikal na tanggapan ng pamahalaan para mapanatili ang kaayusan sa Kalakhang Maynila?

Sa malas ang sagot sa mga tanong na ito mga giliw na mambabasa ay HINDI.

Ito ay kung pagbabasehan ang maraming isyu laban sa kanya na ipinupukol mismo ng mga empleyado ng MMDA na nakakaalam siyempre sa mga kalakaran doon.

Ang isa sa matitin-ding akusasyon laban sa kanya ay hinggil sa kakaiba niyang closeness o pagiging sobrang di- kit sa isa sa kanyang isang dating assistant na tawagin natin sa alias na Boss B.

Ayon sa ilang source na humiling na huwag banggitin ang mga pangalan dahil sa takot na masibak sa trabaho, itong si Boss B. raw ang kumokontrol sa lahat ng transaksyon diyan sa MMDA.

Kinokopo raw nito ang ang lahat ng proyekto ng ahensya lalo na iyong malalaking infrastructure at World Bank -assisted projects at tanging mga kaibigang kompanya lamang nila ang nakakakuha ng mga proyekto.

Totoo ba na bago pa raw makasali sa bidding ang ibang hindi nilang kakamping kompanya sa mga proyekto ay kailangang mag-hatag sila ng pampadulas kay Boss B?

Kaya pala balitang malakas pumusta sa sabong itong si Boss B. at balewala sa kanya kung matalo man siya ng milyon-milyong piso sa kanyang pusta.

Ang isa raw malaking pinagkakakitaan nitong si Boss B ay ang malalaking flood control projects na dina-download sa MMDA ng mga kongresista sa pamamagitan ng committee on appropriation.

Ang raket dito ay tinatrabaho ng mga ka-sapakat na favored contractors ang mga proyekto na gamit ang resources, mga makinarya at mga tauhan mismo ng MMDA.

Napakalaki nang natitipid ng mga contractor sa sistemang ganito at ang resulta siyempre ay pinagbibiyakan ang naiwang mga milyones na pera ng grupo nina Boss B. at mga kontra-tista.

Maging ang mga bidding sa solar streetlight projects sa kahabaan ng malalaking kalsada tulad ng EDSA, C-5 at Roxas Boulevard ay kontrolado din umano ng grupo nina Boss B. at tanging mga kaibigang contractor din nila ang nananalo.

Ipinasisilip din ng mga nagrereklamo ang raket sa Oyster Project kung saan punong-puno raw ito nang daan-daang ghost employees na naka-payroll bilang street sweepers.

Milyon din daw ang kinokolektang sweldo buwan-buwan ng gru-pong pinamumunuan naman ng isang alias Mel mula sa mga ghost employees na ito, na siyempre napupunta rin sa mga bulsa nila.

Tsk! Mukhang maraming dapat ipaliwanag si Artes tungkol sa mga kabulastugan diyan sa MMDA.

Naniniwala tayo na sinsero si PBBM sa hangarin na linisin mula sa katiwalian at korapsyon ang pamahalaan.

Kaya hindi tayo magtataka kung biglang masibak si Artes kung hindi niya mapipigilan ang mga kabulastugan diyan sa MMDA.

Abangan!