Nanalo sa Cavite special poll ipoproklama ngayong araw

Nanalo sa Cavite special poll ipoproklama ngayong araw

February 26, 2023 @ 9:05 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inilarawan ni Commision on Elections Chairman George Garcia ang katatapos lamang na special election sa ika-pitong distrito ng Cavite na ‘very peaceful’.

Nakiisa ang libu-libong botante sa nasabing botohan sa apat na munisipalidad ng Cavite kasama ang Amadeo, Indang,Tanza at Trece Martires City.

Ang nanalo sa special election sa Cavite para punan ang congressional seat na nabakante ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ay inaasahang maiproproklama ngayong Linggo ng umaga, Pebrero 26.

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na lahat ng 426 clustered precincts sa 75 voting centers ng apat na munisipalidad ay nagsimula ng botohan ng alas-6 ng umaga at nagsara alas-7 kagabi.

Nakaranas naman ng ilang kahirapan ang mga botante dahil ilan sa mga voting precinct sa Amadeo ay matatagpuan sa ikatlo at ika-apat na palapag ng gusali, na nagpahirap sa ilang senior citizen na botante.

Ayon kay Garcia, sa hinaharap ay hihingin nila sa mga election officer na magsumite ng mapa ng presinto na naglalaman ng emergency accessible polling places (EAPP) para sa mga matatanda.

“Dapat pong malaman ng lahat ng mga kababayan natin na laging priority, ang centerpiece pong bagong liderato ng Comelec ay lagi yung ating mga vulnerable sector,” sabi ni Garcia.

Samantala, sinabi niya na ang Comelec ay handa nang magdaos ng plebisito sa Carmona, Cavite matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang batas ang isang panukalang nagko-convert sa munisipalidad ng Carmona bilang isang compontent city ng Cavite.

Wala pa naman aniyang natatanggap na opisyal na rekomendasyon ang Comelec patungkol sa paglagda ng Pangulo ngunit sila ay handang-handa nang magdaos ng plebisito.

Ang Republic Act 11938 ay nilagdaan ng Punong Ehekutibo noong Pebrero 23.

Ipinag-uutos nito ang pagdaraos ng plebisito sa loob ng 60 araw pagkatapos maaprubahan ang batas.

Maliban kung itinatadhana ng batas, ang Carmona ay magpapatuloy na maging bahagi ng fifth legislative district ng probinsya ng Cavite. Jocelyn Tabangcura-Domenden