NANANAGINIP BA SI NSA CARLOS?

NANANAGINIP BA SI NSA CARLOS?

September 6, 2022 @ 6:15 PM 4 weeks ago


SINABI ni National Security Adviser Clarita Carlos, respetado sa kanyang mga opinyong pulitikal bilang isang beteranong propesor ng University of the Philippines, sa harap ng mga senador noong nakaraang linggo na sa pagpapalit ng demokrasyang parlamentaryo, tuluyan nang matutuldukan ang mga political dynasties sa ating Kongreso.
Hindi ko alam kung gaano kahimbing ang tulog niya nung gabing bago siya humarap sa Senado, pero mukhang nananaginip yata si NSA Carlos.
* * *
Sinabi rin niya sa public hearing ng Senate Committee on Constitutional Amendments sa panukalang rebisahin ang 1987 Constitution na ang parlamentaryo ay higit kaysa presidential na uri ng pamahalaan.
Bagama’t may bahid ng katotohanan ito sa maraming aspeto, mas naniniwala ako sa sinabi ni Prof. Solita Collas-Monsod, na walang nakikitang malaking bentahe ng parliamentary system sa presidential form ng gobyerno.
Sa palagay ko, tama ang argumentong iyon kahit pa nagiging talamak ang mga political dynasties sa ating bansa. Tingnan na lang natin ang nangyari sa party-list system.
* * *
Sang-ayon din si Carlos sa National Economic Development Authority na ang paglalantad ng mga pangunahing sektor ng ating ekonomiya sa dayuhang kontrol ay hindi magdudulot ng seryosong banta sa seguridad ng ating bansa.
At kabilang dito ang telecommunications. Nang mag-usisa si Sen. Koko Pimentel kung hindi ba nababahala ang dating propesora sa posibilidad ng full foreign ownership sa mga telcos, sumagot si Carlos: “Para sa akin, hindi ito malaking banta.”
Kahit pa China? Ngayon naniniwala na akong kamote sa teknolohiya ang matatanda.
* * *
Noong nakaraang linggo, anim na opisyal ng Customs sa Port of Subic, na tinanggal sa kanilang puwesto kaugnay ng pagpasok umano sa bansa ng mga smuggled na asukal mula sa Thailand, ang inabsuwelto ng investigating panel at ibinalik na ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa puwesto.
Mula sa alegasyong recycled ang import permit na ginamit sa pagbibiyahe ng asukal, biglang kambyo ang Bureau of Customs (BOC), sinabing ang lahat ng dokumento ay “in order.”
Sa simula pa man, alam kong isang malaking “zarzuela” lang ito. Sino pa nga ba, sa palagay n’yo, ang mas nakakaalam ng kuwento? * * *
Ang partnership ng ABS-CBN sa TV5, kung saan bibilhin ng una ang nasa 34 porsiyento ng huli, ay kinansela na bago pa man ito nagsimula.
Nangyari iyon ilang araw makaraang palagan itong muli ng mga puwersa sa Kamara na nasa likod ng pagbibigay-tuldok sa tiyansa ng ABS-CBN na mabigyan ng panibagong prangkisa sa free TV.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.