Nancy sa BIR: Kaunting puso naman, dagdag-buwis sa private school bawiin

Nancy sa BIR: Kaunting puso naman, dagdag-buwis sa private school bawiin

June 6, 2021 @ 3:30 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Umapela si Senador Nancy Binay sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na bawiin ang Revenue Regulation (RR) No. 5-2021 na nagtatakda ng 150% pagtaas ng income tax sa lahat ng pribadong paaralan.

Sa pahayag, sinabi ni Binay na sa ilalim ng naturang regulasyon na ipinalabas nitong Abril 8, 2021, na itataas sa 25% mula sa dating 10% ang income  tax na pinatatakbo ng stock corporation o iyong tinatawang na   proprietary educational institutions.

“Marami na nga sa ating mga private school ang nagsara na dahil sa pandemya. Kung ipapatupad ang revenue regulation na ito, siguradong mas marami pa sa kanila ang tuluyan nang magsasara,” ayon kay Binay.

Sinabi ni Binay na kapag nagpataw ng karagdagang buwis sa pribadong paaralan, taliwas  ito sa intensiyon ng  Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na pinagtibay upang mapagaan ang epekto ng pandemya sa negosyo sa pamamagitan ng mas mababang   corporate income taxes.

“Tingin namin sa Senado merong lihis sa pagkaka-interpret ng batas. We passed the CREATE Law to help businesses survive the effects of the pandemic through tax incentives. The law plainly states (Section 2, paragraph-d) the need to create a more equitable tax incentive system that will allow for inclusive growth and generation of jobs. Wala sa intensyon ng batas dagdagan pa ng pasanin at pasakit ang mga eskwelahan,” giit ni Binay.

Aniya, lantarang paglabag  ang naturang regulasyon sa layunin ng batas kaya’t hiniling niya sa BIR na bawiin ito kaagad.

“Sa panahon ngayon, let’s be more sensitive to the struggles our kababayans are going through. Ito ang panahon ng pagtutulungan, at bilang mga kawani ng gobyerno, dapat nasa tamang pwesto ang mga puso natin para sa kapwa Pilipino,” ayon kay Binay.

Sinuportahan din ni Binay ang Senate Bill 2272 na inihain ni Senador Sonny Angara na may layunin na amyendahan ang ilang seksiyon ng National Internal Revenue Code (NIRC) upang itamaang maling interpretasyon sa buwis  na ipinapataw sa  proprietary educational institutions.

“Tulungan natin silang maka-survive. Wag na nating padapain pa lalo ang mga private school na nagpupumilit na makabangon,” ayon sa senador.

“Hirap na hirap na nga lahat. Marami nang na-lay-off na teachers; marami nang nagsarang schools; malapit nang bumigay ang mga academic institution–taxing private schools with 25% does not make any sense at all. Konting puso naman sana,” dagdag ng senador. Ernie Reyes