NANG DAHIL SA ‘FAKE NEWS’ PNP CHIEF BAKA ‘DI NA PANIWALAAN

NANG DAHIL SA ‘FAKE NEWS’ PNP CHIEF BAKA ‘DI NA PANIWALAAN

September 27, 2022 @ 12:32 PM 2 months ago


PAG-UPO sa puwesto ni PGen. Rodolfo Azurin Jr. bilang Philippine National Police chief, marami ang tumutol sa pagkakatalaga sa kanya sapagkat hindi katulad ng kanyang mga katunggali, hindi masyadong putok ang kanyang pangalan.

Pero ang totoo, sa mga mamamahayag pa lang, kilalang-kilala si Azurin dahil mahusay talaga itong opisyal kaya nga paborito at naging bata-bata siya ng ilang mga naging PNP chief din.

Ilang araw pa lang siyang naluluklok sa puwesto ay sinibak na niya bilang number two man at number three man sina PLtGen. Rhodel Sermonia at PLtGen. Vicente Danao Jr., pawang mga kaklase niya sa Philippine Military Academy, at ipinatapon sa Visayas at Mindanao kung saan medyo enjoying na ang mga ito sa kanilang buhay na walang masyadong stress at problema.

Hindi pa natatapos ang buwan ng Agosto, kung ano-anong paninira ang lumabas sa social media na tinawag ng PNP na “fake news” kasabay nang pagbabala na tigilan na ng mga walang magawa ang paninira na wala namang kahihinatnan.

Kaya nga noong nakaraang linggo, isang dalaga mula sa Caloocan sa Barangay 177 ang nagsumbong sa Caloocan City Police Station na tinangka siyang “dukutin” ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo at nauwi ang kuwento sa malalimang imbestigasyon kung saan sinabi ng dalawang saksi at natuklasan ng mga pulis na magkakilala ang umano’y biktima at suspek kaya naman sinampahan ng kaso sa piskalya ng mga pulis ang babae.

Ang siste, nalagay sa balag ng alanganin ang hepe ng Caloocan City Police Station matapos birahin ng isang kilalang mamamahayag si Azurin dahil nga sa pagsasampa ng kaso laban sa babaeng gumawa ng kuwento.

Sibak agad ang parusa ng COP ng CCPS gayung ginawa lang ang alam niyang tama at upang mabigyan ng aral ang mga taong walang magawa sa buhay dahilan upang malagay naman sa kapahamakan ang ibang tao.

Hindi nga ba, ilang ‘fake news’ ang nag-trending na ikinasira naman ng imahe ng PNP? At iyan ang nais na ituwid ng PNP lalo na ng pamunuan ni National Capital Region Police Office director PBGen. Jonnel Estomo.

Bago sana sinibak sa puwesto ang COP ng CCPS ay idinaan sa “due process” at hindi naging bias ang PNP. Sino pa ang maniniwala sa kanilang mga ginagawang aksyon laban sa “fake news” kung mismong ang mga gumagawa ng tama upang hindi malagay sa problema ang PNP at hindi rin madungisan ang imahe nito ay kanilang inaapi?

Sana lang ay makapag-isip-isip si Azurin at Estomo at mabigyan ng katarungan ang pagkakasibak sa puwesto sa COP ng CCPS na “Darling of the Press” sa CAMANAVA Area.