Nang-insulto, Muslim binoga ng kapwa Muslim

Nang-insulto, Muslim binoga ng kapwa Muslim

July 19, 2018 @ 11:42 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Patay ang isang muslim nang barilin ng kapwa nito muslim sa Baseco compound sa Tondo, Maynila kaninang madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Tamil Abong, 37, tricycle driver, tubong Cotabato at residente ng Baseco Compound.

Naaresto naman ang suspek na si Taher Pando, 24, may-asawa,  tricycle driver, nakatira rin sa nasabing lugar.

Nabatid na dakong alas-3:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa  Block 5 Habitat Compound.

Nauna rito, ininsulto umano ng biktima ang suspek hanggang sa mauwi sa suntukan.

Matapos ang pangyayari ay nagtungo ang biktima sa Baseco PCP upang magreklamo kung saan sinabihan naman ito ng desk officer na magpa-medical muna sa  Gat Andres Hospital.

Gayunman, bumalik ang biktima sa kanilang bahay at dito na nangyari ang pamamaril.

Maari umanong ikinagalit ng suspek ang pang-iinsulto sa kanya ng biktima at ang pagrereklamo nito sa pulisya kaya siya binaril nito.

Naisugod pa sa nasabing ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.(JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)