Nangholdap ng taxi driver, huli

Nangholdap ng taxi driver, huli

December 7, 2022 @ 12:11 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang 43 -anyos na lalaki matapos na tangkaing holdpin ang isang taxi driver sa Valenzuela City.

Kalaboso ang suspek na si Carlos U. Tamayo, ng Purok 5, San Agustin, Hagonoy, Bulacan

Ayon sa biktimang si Roldan Nabiong, 39, ng Novaliches, Quezon City, 4:00 a.m. ng Martes, Disyembre 6 ay sumakay ang suspek sa McArthur Highway, Potrero, Malabon City at nagpahatid sa Barangay Maysan, Valenzuela.

Pagdating sa S. Marcelo St., Maysan ay tinutukan na umano siya ng patalim ng suspek at pwersahang kinuha ang kanyang perang P400 at pagkatapos ay ikinulong siya sa baggage compartment na kanyang binaklas saka tumalon palabas para tumakas.

Swerteng may mga nagpapatrolyang pulis sa nasabing lugar na hiningan ng tulong ng biktima at nang pupuntahan nila ang lokasyon nito ay nasalubong ito ng biktima at mga pulis habang papatakas at agad na inaresto.

Nagkaroon ng mga pinsala sa ulo ang biktima dahil sinakal umano siya ng suspek habang tinututukan ng patalim.

Nabawi kay Tamayo ang P400 salapi, ang taxi ng biktima na may plate number na WCO-460, at kinumpiska ang isang 14-pulgadang kitchen knife.

Haharap si Tamayo sa mga kasong robbery with threats and intimidations, paglabag sa New Anti-carnapping Act of 2016, at illegal possession of deadly weapon. Merly Iral