NAPAG-IWANANG MGA BAYANI

NAPAG-IWANANG MGA BAYANI

October 1, 2022 @ 4:12 PM 2 months ago


PINAPURIHAN ng mga pulitiko ang kabayanihan ng limang miyembro ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na namatay sa rescue mission noong pananalasa ng Super Typhoon “Karding”.

Ang limang rescuer-sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurrecion, at Narciso Calayag Jr-ay namatay sa San Miguel, Bulacan matapos tangayin ng flash flood.

Natagpuan ang kanilang mga labi sa Sitio Banga Banga, Barangay Camias sa bayan, dakong alas-7:00 ng umaga noong Setyembre 26.

Pero para kay Senator Bong Go, hindi sapat ang papuri at paggagawad ng parangal sa mga bayaning ito sa harap ng pagdadalamhati ng mga naiwan nilang pamilya o mahal sa buhay.

“Hindi po matutumbasan ng anomang halaga ang buhay na nawala,” ayon kay Go hinggil sa pagkamatay ng limang rescuers.

“Nakalulungkot po na buhay ang naging kabayaran ng kanilang pagtupad sa tungkulin at pagnanais na makasagip ng buhay ng kanilang kapwa tao. Sila ay tunay na mga bayani,” dagdag ng senador.

Kaya naman isinusulong ngayon ng mambabatas ang panukalang batas na magbibigay ng mga kaukulang benepisyo at security of tenure para sa mga matagal nang empleyado ng gobyerno, kagaya ng limang namatay na rescuers.

Marami kasing tauhan ng gobyerno na walang nakukuhang hazard pay, partikular na ang mga humaharap sa mapanganib na trabaho.

Ipinunto ni Go na sa kabila ng mahabang panahong pagtatrabaho sa gobyerno, maraming job order employees, kabilang ang rescuers na kulang pa rin ang nakukuhang seguridad sa panunungkulan.

‘Unfair’ nga naman na parehas lang ang ginagawa nila sa isang regular na government employee, pero sila ay walang benepisyo.

Sariling buhay nila ang kanilang itinataya sa ngalan ng “public service” pero sila ay napag-iiwanan pagdating sa mga ganansiya.

Mabuhay po kayo Senator Bong Go. Sana ay magtagumpay kayo sa inyong hangarin na matulungan ang ating mga bayani na hindi napapansin sa pamahalaan.
oOo oOo oOo oOo

Nakatutuwang malaman ang pagiging aktibo ngayon ng National Irrigation Administration sa pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan, lalo sa mga magsasaka.

Ang ahensiyang ito dati ay parang wala lang. Siguro, sadyang walang ginagawa ang mga naging pinuno noon. O kaya naman ay nanahimik sa isang tabi.

Umiingay lang nasabing tanggapan kapag nababalitang may mga kinasuhang opisyal dahil sa katiwalaan.

Pero ngayon, napakasigla ng NIA. Palibhasa, ang kasalukuyan nitong pinuno na si Admistrator Benny Antiporda ay isang lider na napakasipag at walang kapaguran sa pagbibigay ng seserbisyo sa mga tao.

Araw-araw nating nababalitaan ngayon ang kanyang mga ginagawa para lubusang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa ating mga magsasaka.

Nito lang, sa pananalasa ng bagyong Karding, kitang-kita ang pagiging abala ng NIA sa pamumuno ni Administrator Antiporda para matiyak na ang serbisyong ibinibigay ng ahensiya ay magtutuloy-tuloy.

Ang mga tauhan ng NIA ay tila baga nahahawa na sa kasipagan ni Antiporda pagdating sa pagtatrabaho. Lahat sila ay nagbantay at mukhang mga hindi natulog habang humahagupit ang bagyo.

Kung ganito o kagaya ni Antiporda ang mga namamahala sa ahensiya ng gobyerno, hindi tayo lugi mga kababayan. Binubuwenas tayo.