Napakababang multa sa lalabag sa Maharlika fund policy, pinuna ni Hontiveros

Napakababang multa sa lalabag sa Maharlika fund policy, pinuna ni Hontiveros

February 1, 2023 @ 5:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinuna ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules, Pebrero 1 ang napakababang parusa para sa mga lalabag sa polisiya ng Maharlika Investment Fund.

Ang naturang polisiya ay upang siguruhin ang accountability sa mga opisyal ng pamahalaan na hahawak sa naturang pondo.

Kasabay ng pagdinig ng Senate committee on banks, financial institutions, and currencies, binatikos ni Hontiveros ang multa sa mga lalabag na lubhang napakababa kumpara sa bilyong piso na halaga ng pondong hahawakan ng mga ito.

“‘Yung penal provision po ridiculously napakababa, considering na ‘yung Maharlika Investment Fund magha-handle ng billions of pesos,” aniya.

“Ni walang forfeiture ng ill-gotten wealth in favor of the government. Walang perpetual disqualification from public office for offenses committed by government officials na bahagi ng MIC (Maharlika Investment Corporation) Board. Likewise, walang provision sa event na ‘yung funds invested ay gamitin sa money laundering,” dagdag pa.

Sumagot naman si Finance Secretary Benjamin Diokno at sinabing nasa mga mambabatas na kung kailangang magpatupad ng mas malaking multa.

“That’s why we have to go through this process. If you want to propose amendments to the House version, it’s going to be up to you, legislators, to impose a higher penalty, if you feel that a higher penalty is called for,” sinabi ni Diokno.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1670, ang multa ay naglalaro mula P10,000 hanggang P5 milyon, kasama ang pagkakulong ng mula anim na taon hanggang 20 taon.

Samantala, sa House Bill No. 6608, ang mga lalabag sa polisiya ng MIF ay magmumulta ng mula P50,000 hanggang P2 milyon at pagkakulong na mula isang taon hanggang limang taon. RNT/JGC