Napolcom kulang ng 50K pulis

Napolcom kulang ng 50K pulis

March 8, 2023 @ 5:07 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinahagi ng National Police Commission (Napolcom) na nagkukulang sila ng aabot sa 50,000 police personnel.

Kasabay ng pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs nitong Miyerkules, Marso 8, sinabi ni Napolcom vice chairperson and executive officer Alberto Bernardo na sa kasalukuyan ay mayroon silang 71,000 patrolmen at patrolwomen.

“Ngayon po kasi may 129,000 [manning positions] ang patrolmen at patrol women. Subalit, nasa 71,000 pa lang po ang patrolwomen at patrolmen doon,” ani Bernardo.

“Kaya isa rin po ‘yun sa sasabihin namin sa technical working group, pa’no mapalawak ‘yung community-based policing at hindi po maging top-heavy ‘yung PNP (Philippine National Police) kumbaga ma-create po ito. Kulang po kami ng 50,000 policemen and policewomen sa kasalukuyan,” dagdag niya.

Bilang tugon, tinanong ng panel chairperson na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kung ano ang isyu dito.

“Anong problema doon? Walang nag-a-apply? Walang nag-qualify? Pa’no? Kasi yearly naman tayo gumagawa ng recruitment,” tanong ng senador.

Sagot naman ni Bernardo:

“Sinangguni po namin ‘yung PNP at saka DBM (Department of Budget and Management) sa kadahilanan na nagdadagdag kasi po tayo ng position sa taas and nagalaw po ‘yung budget dito. Kulang ‘yung budget para punuan ‘yung 50,000.”

“Subalit, kailangan magkaroon ng additional fund para maka-hire ng [50,000],” pagpapatuloy niya.

Ayon naman kay DBM Budget Information Legislative Service Acting Director Trisha Baraan, dapat na ihayag sa budget preparation ng DBM ang funding requirements para rito. RNT/JGC