NARARAPAT ANG ACADEMIC BREAK

NARARAPAT ANG ACADEMIC BREAK

January 17, 2022 @ 10:35 AM 7 months ago


NAIS ko munang katigan ang ginawang pagpapatupad ng Department of Education-National Capital Region (DepEd-NCR) ng suspensyon ng mga klase simula Enero 15 hanggang Enero 22, 2022.

Batay nga sa ipinalabas na regional memorandum no. 017, s. 2022 ni DepEd-NCR at OIC Regional Director Wilfredo Cabral, nilalayon daw po ng naturang hakbang na maibsan ang bigat ng epekto ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga guro at estudyante.

Sa kasagsagan nga ng suspesyon, hindi kailangang mag-report ng ating mga minamahal na guro sa mismong paaralan.

Ang Mid-year break po ay itinakda sa January 31 hanggang February 5, 2022 at isasagawa naman ang quarter 2 examinations sa Pebrero 7 hanggang 8, 2022.

Itinakda ang pagsusumite ng learning outputs ng mga estudyante sa Pebrero 7 hanggang 12 gamit ang on-line platforms at iba pang mekanismo.

Bunsod po nito, ipinag-utos na rin sa school heads na gumawa na ng istratehiya upang maging maayos ang naturang mekanismo.

Hinihikayat din po ang mga guro at mag-aaral na manatili sa kani-kanilang tahanan upang maiwasan pa rin na mahawa sa COVID-19.

Nitong mga nakaraang araw ay dumarami pa ang nananawagan ng academic break sa mga eskuwelahan dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

                            —000—000—000—

PAALALA SA MGA OFW PA-SINGAPORE

Gusto ko munang ipaalam sa ating mga minamahal na overseas Filipino workers na bagamat may paghihigpit sa mga safety protocol dulot ng pagtaas ng COVID-19, nilinaw po ng Department of Labor and Employment na maaari pa rin kayong makapasok sa Singapore kahit hindi pa bakunado.

Kasunod po ito ng pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine protocols sa Singapore dahil sa tumataas muling kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Labor Attaché Saul De Vries, hindi kasama ang COVID-19 vaccine sa arrival protocols sa naturang bansa.

Sa kabila nito, lahat po ng dumarating sa Singapore ay kailangang sumailalim sa 21-day institutional quarantine at tatlong beses na RT-PCR test.

Sinuspinde rin muna ng Singapore government ang entry approval applications para sa mga dayuhang manggagawa sa ngayon.

Lumalabas sa record ng DOLE, mayroong 200,000 na Pinoy sa Singapore, 180,000 dito ay pawang professionals, skilled workers, household service workers, healthcare workers, at mga nagtatrabaho sa service sector ng tourism at information technology industries kaya naman ating pinapahalagahan ang mga kababayan upang mabigyan ng wastong impormasyon partikular sa panahong ito na may pandemya.

                        —000—000—000—

Para sa inyong mga komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag text sa ating 1-Ang Edukasyon Party-list Hotline: 0927.930.25.81 at makaaasa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.