Narco-politicians ‘di masikmura ni Digong – Malakanyang

Narco-politicians ‘di masikmura ni Digong – Malakanyang

June 17, 2022 @ 3:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nananatiling matigas ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang commitment na walisin ang ilegal na droga hanggang sa huling araw niya sa tanggapan.

Ito’y sa kabila ng may ilang politiko ang nauugnay sa narcotics trade.

Muli kasing  kinastigo at binanggit ni Pangulong Duterte si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na isa sa mga lokal na opisyal na di umano’y nakinabang  mula sa  drug war.

“The President’s remarks on Iloilo City Mayor Jed Mabilog reflect his resolute stance against narcopolitics,” ayon kay acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar.

Ani Andanar, binigyang-diin ni Pangulong Duterte ang kaso ni  Mabilog upang hikayatin ang incoming administration  na ipagpatuloy nito ang  anti-narcotics campaign ng administrasyong Duterte.

“President Duterte expects his Administration’s very successful anti-drug campaign, where millions have voluntarily surrendered to authorities, will be continued by the incoming Administration,” ayon kay Andanar.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ng Pangulo na kumbinsido siya na mananatiling magtatago ng anim na taon si Mabilog, inakusahan kasi si Mabilog na  nagbibigay -proteksyon  di umano sa mga  drug lords.

Ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte  ay pagbibigay-diin na dapat seryosohin ang  drug problem sa bansa.

Matatandaang inakusahan ni Pangulong Duterte si Mabilog na nagpo-protekta sa  sinasabing drug syndicate  na si   Melvin Odicta,  di umano’y drug lord na napatay noong  2017.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin bumabalik sa bansa si Mabilog matapos dumalo sa disaster management summit sa Japan at urban environment accords forum sa Malaysia noong 2017.

Ang asawa at anak nito ay umalis na rin ng Pilipinas.

Sinibak  naman  sa puwesto ng Office of the Ombudsman noong October 2017  si Mabilog dahil sa sinasabing  kabiguan nito na ideklara ang kanyang yaman.

Binaligtad naman ng Court of Appeals ang nasabing desisyon sa pamamagitan ng  2021 ruling, subalit patuloy namang binansagan ni Pangulong Duterte si Mabilog bilang isa sa mga tinatawag na narco-politicians.

Nauna rito, hinikayat ni Pangulong Duterte si  President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ipagpatuloy ang kanyang  anti-narcotics campaign, lalo pa’t mabigat pa rin ang problema ng bansa pagdating sa ilegal na droga sa bansa at posibleng muling pagkabuhay nito.

Sa panig naman ni Marcos, nangako ito na ipagpapatuloy nito ang  drug war  at hahabulin ang mga big-time drug dealers. Kris Jose