Nars pinatay sa ospital ng aburidong ama ng pasyente

Nars pinatay sa ospital ng aburidong ama ng pasyente

October 28, 2022 @ 1:05 PM 1 month ago


MAGUINDANAO – PATAY ang isang nurse matapos barilin ng naghuhurumintadong ama ng isa sa mga pasyente sa loob ng ospital, nitong Miyerkoles sa bayan ng Datu Sinsuat.

Kinilala ang biktimang si Nelson Mantawil, registered nurse sa Dinaig District Hospital na matatagpuan sa Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Habang sugatan naman ang isang Nerrisa Mantawil, matapos tamaan ng ligaw na bala.

Tugis naman ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Butch Manalao alyas Butch Nur at residente ng nasabing lugar.

Batay sa report ng DOS Municipal Police Station, dakong 2:00 AM naganap ang krimen sa nasabing lugar .

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang suspek sa loob ng ospital kung saan pasyente ang anak nito at umiinda ng matinding pananakit.

Kwento ng ilang saksi, naghahanap ng doktor na naka-duty ang suspek subalit wala itong makita hanggang sa nagwawala na ito.

Narinig naman ng biktima ang pagwawala ng suspek kaya hinarap niya ito para kausapin na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Dito, bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ng apat na beses ang biktima at nagpaputok pa ito hanggang tinamaan si Nerissa saka mabilis na tumakas.

Binigyan naman ng paunang lunas sa naturang ospital si Nelson at kalaunan ay inilipat sa Cotabato City hospital subalit dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen at dinala na rin sa himpilan ng pulisya ang security guard ng ospital para tanungin kung paano nakapasok ang suspek na dalang baril./Mary Anne Sapico