Nasa 1,100 HCWs ng PGH sapul ng COVID  

Nasa 1,100 HCWs ng PGH sapul ng COVID  

January 14, 2022 @ 12:07 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Positibo sa COVID ang 1,100 healthcare workers ng Philippine General Hospital (PGH), ayon kay PGH spokesperson Jonas del Rosario.

Ayon kay del Rosario, ang ospital ay kasalukuyang mayroong 314 na pasyenteng may  COVID-19.

“As always pag ganyan we have to give more beds. We had to convert some of our non-COVID beds back to COVID beds,” pahayag nito sa  ABS-CBN’s TeleRadyo.

Isa sa nakaaapekto ngayon sa pagtugon ng PGH sa COVID-19 ay ang kakulangan ng tauhan  dahil tinamaan na rin ng impeksyon ang halos 100 fully vaccinated HCWs ngayong linggong ito.

Binanggit ng tagapagsalita ng Ospital na simula Enero 1 ay halos 1,100 HCWs ang nagpositibo.

Aniya, ang isolation ng COVID positive healthcare workers ay kasalukuyan pa ring nasa 10 araw at ang pinaikling isolation guidelines ng Department of Health (DOH) ay hindi pa maipatutupad.

Gayunman, ang HCWs na hindi nagpapakita o walang palatandaan ng impeksyon ng COVID-19 ay pinahihintulutan na iliban ang quarantine at bumalik sa trabaho.

“If they have no symptoms, pinababalik namin sa trabaho. Because of the shortened quarantine, mga 90 plus health workers ang nakabalik kaagad.”

“Hindi na sila sinaswab, basta asymptomatic at close contact lang. Oras na may naramdamam kahit simpleng sipon o makati lalamunan, pull out kaagad at sinaswab,” pahayag ni del Rosario.

Sa gitna ng kakulangan ng staff, pinapayagan ng PGH ang mga  asymptomatic health staff na magtrabaho dahil sa pagsirit ng kaso.

Kinansela din ng PGH ang mga elective procedure maliban sa mga nangangailangan ng emergency treatment tulad ng appendicitis, trauma, at iba pang mga  life-threatening cases.

“‘Yung mga naischedule kinacancel muna dahil walang tatao lalo na nurses. May urgent non COVID cases na tuloy naman po,” dagdag pa nito. (Jocelyn Tabangcura- Domenden)