Nasa 190K pulis ipakakalat sa holiday season – PNP

Nasa 190K pulis ipakakalat sa holiday season – PNP

November 18, 2022 @ 4:06 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Nobyembre 18 na magpapakalat sila ng nasa 190,000 na mga pulis sa iba’t ibang lugar upang siguruhin ang kaligtasan ng publiko sa papalapit na Christmas season.

“It will comprise more or less 190,000 sapagkat ang ating strength as of now is 227,000,” pahayag ni PNP public information office chief Police Colonel Redrico Maranan kasabay ng public briefing.

Ani Maranan, layon ng kanilang Oplan Ligtas Pasko na magkaroon ng mas pinaigting na police visibility at pagpapatrolya sa mga lugar na karaniwang dinadagsa ng mga tao katulad ng mall, simbahan, tiangge, mga concert venues at iba pa.

Maglalatag din ng police assistance desks ang PNP sa mga nabanggit na lugar.

Ito ay sa kabila ng naunang ulat ng ahensya na bumaba ang insidente ng mga focus crimes katulad ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, at carnapping sa unang 11 buwan ng 2022 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay Maranan, ang pagbaba na ito ay dahil sa mas pinatinding police visibility. RNT/JGC